RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAKAPAGTATAKA ang ginagawang pagra-rally ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) para protektahan umano si Sen. Rodante Marcoleta.
Si Marcoleta ay kilalang miyembro ng INC na naging dahilan umano ng kanyang pagkapanalo bilang senador dahil kilala ang INC sa block voting.
Hinaharang umano ng INC ang pagkakaso sa senador ng kasong plunder o pandarambong, tulad ng ikinaso kina Sen. Jinggoy Estrada at dating senador Bong Revilla.
Ano ba ang ikinababahala ng INC? Ang mahatulan si Sen. Marcoleta? Mababasura naman ang kanyang kaso sakaling makitang walang basehan ang kasong isinampa sa kanya. Bakit hindi hayaan ng INC na ipagtanggol ni Marcoleta ang kanyang sarili sa hukuman. Kung totoong siya ay malinis at walang bahid ng mga ipinararatang sa kanya, ano ang kanilang ipinaglalaban?
Maliban na lamang kung alam nila sa sarili nila na may paglalagyan talaga ang senador sakaling gumulong ang kaso matapos na mismong si Marcoleta ang umamin sa pagtanggap niya ng pera noong nakaraang eleksyon, na siyang naging basehan ng kasong plunder na ikakaso sa kanya.
Katulad ng paulit-ulit na isinisigaw ng mga tagasuporta ni Marcoleta at ng mga Duterte, kailangang mapanagot ang mga opisyal na nasa likod ng flood control scheme na tumanggap umano ng male-maletang pera, kailangang makasuhan ang mga magnanakaw, at sa korte nila patunayan kung sila ay inosente.
Pero ano ang kaibahan kung kakasuhan si Sen. Marcoleta? Bawal ba siya kasuhan kahit na siya mismo ang umamin sa mga ginawa niya? Asan na ‘yung isinisigaw nila na “accountability and transparency” kung haharangan nila ang pagsasampa ng mga kaso.
Tama si Prof. Dennis Coronacion, isang political analyst, totoong pulitika ang nasa likod ng pagkakaso sa senador, pero ito ay dahil sa may maibubutas sa kanila. Bakit ba walang maikaso kay Sen. Alan Peter Cayetano, kasi walang maibutas sa kanya ang gobyerno.
Hayaan na lang nilang gumulong ang imbestigasyon at hayaang ang batas ang magpawalang-sala sa kanila.
71 