Kalaban pinatumba, mukha pinadugo MARCIAL SAMPA SA Q’FINALS

Ni ANN ENCARNACION

HINDI na pinagtagal ng Pilipinong si Eumir Felix Marcial ang laban nila ni Younes Nemouchi ng Algeria nang magtala ng Referee Stopped Contest (RSC) sa natitirang ilang ­segundo sa unang round ng men’s middleweight (69-75kg) Round of 16 boxing competition sa Kokugikan Arena kahapon.

Dahil sa impresibong panalo ay umusad sa quarterfinals ang 25-anyos na tubong Zamboanga City na si Marcial.

Unang pinabagsak ng Pinoy ang kalaban 1:44 segundo sa unang round para sa standing eight count. Sunod nito ay pinatamaan niya si Nemouchi ng isang straight sa mukha na nagpaputok sa kanang kilay nito.

Nagpatuloy sa laban ang Algerian kaya’t muling tinarget ni Marcial ang mukha nito, dahilan para lalo itong magdugo at ­tuluyang itinigil ni Referee Radoslav Simon ng Slovakia ang bakbakan 19 na segundo pa ang nalalabi sa round.

Sunod na makakatapat ni Marcial sa Agosto 1 ang 2019 World no. 5 na si Arman Darchinyan ng Armenia, na tinalo si Andrej Csemez ng Slovakia sa iskor na 5-0.

Ang 2019 AIBA World Championships silver medallist at three-time gold winner ng Southeast Asian Games (2015-2019) na si Marcial ay nakakuha ng bye dahil sa mataas na ranking (fourth) nito papasok sa Tokyo Olympics, kaya’t deretso na siya sa Round of 16 ng men’s middleweight.

Nakapasok naman siya sa 32nd Games nang mag-gold sa 2020 Asia and Oceania Qualifying Tournament.

101

Related posts

Leave a Comment