CAVITE – Arestado sa ikinasang entrapment operation ang isang 42-anyos na piyansadora dahil sa paghingi halagang P79,288 sa mga kaanak ng suspek na nahulihan ng baril, kapalit ng paglaya nito sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Dinakip ng mga awtoridad ang suspek na si Arlene Delfin, dalaga, ng Mahogany Market, Brgy. Kaybagal South, Tagaytay City, dahil sa reklamo ni Petronila Oldan, 57, ng Brgy. Sicat, Alfonso, Cavite.
Ayon sa reklamo ni Oldan kay P/SSgt. Boyet Soriano ng Alfonso Police Station, kinausap umano siya ni Delfin at sinabing makalalaya sa pagkakakulong ang kaanak nilang si Francisco Mojado na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kung magbibigay ng halagang P79,288.
Ngunit nagduda si Oldan sa katauhan ng suspek kaya lumapit ito sa Barangay Lupon sa Brgy. Luksuhin, Alfonso, Cavite na siyang nag-report ng insidente sa pulisya.
Agad namang bumuo ng team ang Alfonso Police at nakipag-coordinate sa Tagaytay City Police saka isinagawa ang entrapment operation dakong alas-6:14 ng gabi sa Mahogany Market, Tagaytay City kung saan inaresto ang suspek habang tinatanggap ang marked money. (SIGFRED ADSUARA)
