Ni EDDIE ALINEA
AGOSTO taong 1936, panahon ng ilang makabuluhang kaganapan sa sports sa daigdig. Sa Yankee Stadium sa New York, si Joe Louis, tinaguriang “Brown Bomber” sa boksing ay nakaganti sa kanyang TKO na pagkatalo sa Alemang si Max Schmeling noong Hunyo 1935 nang pahintuin niya si Jack Sharkley, dating kampeon sa heavyweight, sa third round sa harap ng 35,000 apisyonado.
Ngunit ang XI Games of the Olympiad na binuksan sa loob ng tinawag na “Kurtinang Bakal” sa Berlin noong Agosto 1 sa pangunguna ni Adolf Hitler at humigit-kumulang 3,000 atletang Aleman ay bukas palad na tinanggap ng mga atleta at opisyal mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang Pilipinas na nagpadala ng maliit na delegasyon sa pangunguna ni Dr. Regino Ylanan.
Ang 29-atletang agrupasyon ay walang Jesse Owens, ang Amerikanong sprinter na nakasungkit ng limang medalya – 100 metro, 200 metro, 400 metro , broad jump at 400 metrong relay para sa bansang Amerika.
Subalit naroon naman ang isang Miguel White na lumahok sa 400 hurdles at nakapag-uwi ng medalyang tanso. Dalawa sana ang medalya ni White na tubong Legaspi, Albay kung hindi siya na-injure sa final heat ng 100-metrong hurdles.
Sa kauna-unahang pagkakataon din ay kinilala ang basketball bilang opisyal na isport sa Olimpiyada, kung saan nagpadala ang Pilipinas ng isang powerhouse team, na tinalo ang apat sa limang nakaharap nito ngunit tumapos lamang na panlima sa 20 koponang naglaban-laban.
Kung paanong nangyari ito
ay nananatiling isang “Chinese Puzzle” sa lahat ng mahiligin sa larong hanggang ngayon ay pinaka-paborito ng mga Pilipino.
Sa kanilang unang laro ay ginapi ng mga Pilipino, na bininyagang “The Islanders” sa Berlin, ang Mexico, 32-30, noong Agosto 8. Si team captain Ambrosio Padilla at Charlie Borck ang nanguna sa mga Pilipino sa huling tatlong minuto ng laro, ayon sa ulat ng Associated Press.
Nakuha ng mga bata ni coach Chito Calvo ang kanilang pangalawang sunod na panalo laban sa Estonia, 39-22, noong Agosto 11. Ang Estonia noong panahong iyon ay kilabot sa basketball sa Europa.
Ngunit yumukod ang Islanders sa mga matatangkad at matitipunong Amerikano sa una nilang assignment sa quarterfinal round, 33-56. Walang sinumang Amerikano ang tumayong mas maliit sa anim na talampakan. Ang All-American center na si Joe Fortenberry ay 6’8″.
Si Bork ang pinakamataas sa koponan ng Pilipinas ay 6’1″; Franco Marquicias, 5’11”; at si Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz, beteranong guwardiya ng UST ay 5’7″.
Ang pagkabigo sa laban sa mga Amerikano ay lalo lamang nagpalakas ng loob ng Islanders, na ibinuhos ang kanilang ngitngit sa Italy, 32-14, na sinundan nila ng isa pang panalo kontra Uruguay, 33-23.
Ayon sa istorya ng Sunday Times sa isyu noong Agosto 16, 1936: “Just how then Philippines landed in fifth place in the Olympic basketball tournament with a record second only to (eventual champion) the United States will remain a Chinese puzzle.”
Ang mga nagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Berlin ay si Padilla na naging senador kinalaunan, sina Ciria Cruz, Primitivo Martinez, Bork, Jesus Marzan, Marquicias, Fortunato Yambao, Amador Obordo, Bibiano Ouano at Johnny Worrel.
Maaaring nabigo ang Islanders sa kanilang kampanya para sa podium finish pero tiyak na nang lumisan sila sa Berlin ay nakuha nila ang respeto at paghanga ng fans dahil sa kanilang pagka-maginoo at magandang kaugaliang ipinamalas sa loob at labas ng Palaro.
130 