NTF, DILG nagkasa ng imbestigasyon GULO SA VAX SITES SINADYA?

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

KUMILOS na ang National Task Force sa tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) para imbestigahan ang planong isabotahe ang pagbabakuna matapos dumugin ng mga tao ang ilang mall at vaccination sites kamakalawa.

Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni deputy chief implementer of the National Action Plan Against COVID-19 Secretary Vince Dizon na nakarating sa kanilang kaalaman na may bus at van na puno ng tao ang dumagsa sa mga mall at vaccination sites ng Las Pinas, Antipolo, Maynila para isabotahe ang ginagawa ng pamahalaan at itaon sa araw bago ang pagsisimula ng ECQ sa National Capital Region (NCR).

“At warning na rin ito dahil may mga report na natanggap si Sec. (Carlito) Galvez, kami po ay nag-usap kaninang umaga.. mayroon po tayong natatanggap na unverified report na kailangang imbestigahan po natin na mayroon daw pong masasamang elemento na nanadyang magsabotahe ng mga vaccination sites lalo na sa mga malls, sa Las Piñas, sa Antipolo, sa Maynila, at iba pang lugar dahil dumagsa raw po sa loob ng mga bus at van ang mga taong ito. At ito po ay iniimbestigahan ng National Task Force sa pamumuno ni Sec. Galvez sa tulong ng ating DILG,” litanya ni Dizon.

Umapela rin si Dizon sa mga taong gumagawa ng panggugulo na “maawa naman sa bansa at sa sambayanang Filipino.”

Sa kabilang dako, nanawagan si Sec. Dizon sa taumbayan na huwag agad maniwala sa fake news na inilalabas ng mga hindi mabubuting tao na ang gusto lamang mangyari ay magkagulo at hindi maging epektibo ang ginagawang pagbabakuna ng gobyerno.

Beripikado na aniya na may naglabas ng fake news na “walang bakuna, walang ayuda” kaya dumagsa ang mamamayan sa iba’t ibang lugar sa labas ng Metro Manila papunta sa Las Piñas, Antipolo, Maynila at sa iba pang mga siyudad.

“Sana po, huwag tayong maniniwala sa mga ganitong fake news,” pakiusap ni Dizon.

At para naman aniya sa ibang mamamayan na ang layunin lamang ay manggulo, ang pakiusap ni Dizon ay “huwag naman sana. Hirap na po ang ating mga kababayan ngayon, hirap na hirap na po ang bansa dito sa threat ng Delta variant. Sana naman, huwag namang gagawin iyon.”

Palasyo hugas-kamay

Para naman sa ilang mambabatas sa Kamara, hindi maaaring maghugas-kamay ang Palasyo ng Malacañang sa nangyaring gulo sa mga vaccination center dahil posibleng epekto ito ng pananakot ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa vaccinations centers dahil sa natanggap nilang text message na hindi palalabasin ng bahay ang mga hindi bakunado.

“Is Harry Roque talking about his boss, because it was Pres. Duterte’s statement that clearly caused the ‘panic-vaccination’. It was Pres. Duterte who threatened those who are yet to be vaccinated,” ayon sa mambabatas.

“Naghahanap pa ng masisisi itong si Roque, eh ultimately sila ang palyado, mula sa vaccine education, vaccine procurement, hanggang vaccine rollout,” dagdag pa ng militanteng solon.

Magugunita na sinugod ng mga tao ang mga vaccination center sa lungsod ng Maynila, Las Piñas at iba pang lugar kaya hindi na nasunod ang social distancing at pinangangambahan na magiging dahilan ng lalo pang paglala ng pandemya sa COVID-19 lalo na’t mayroon nang mga kaso ng Delta

variant sa bansa partikular sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ng mambabatas na hindi dapat magturo si Roque kung sino ang sisisihin sa pagkakagulo ng mga tao dahil mismong si Duterte ang nanakot na ipaaaresto niya ang mga ayaw magpabakuna gayung kulang na kulang pa ang COVID-19 vaccines.

“Sabi nga when you point a finger, four fingers are pointing back at you. At ganun na nga, hindi lamang galing sa bibig mismo ng pangulo ang sanhi ng panic, sila din ang makupad magbakuna kaya ngayon nagkakandarapa ang madla bago ang pagpapatupad ng militarized lockdown,” ayon pa sa mambabatas.

“Tama si Roque, ‘wag maniwala sa fake news, but the fake news here is his pagtuturo at paninisi,” dagdag pa nito.

165

Related posts

Leave a Comment