DA, PABAYA SA MAGSASAKA AT MANGINGISDA

TINAWAGAN ni Senadora Mary Grace Poe ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na gampanan ang trabaho nito sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa kanyang kalatas, pinagsabihan ni Poe ang DA na magpokus sa pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda, sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga importer.

Isinama rin ng mambabatas ang mga magbababoy at iba pang sektor sa agrikultura na kinakailangan at nararapat tulungan ng DA.
Pinamumunuan ni Dr. William Dar ang DA.

Ikalawang pagkakataon nang naging kalihim ng DA si Dar.

Ang una ay noong termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo.

Noong panahon ni Arroyo, matunog sa media ang talamak na katiwalian at korapsyon sa DA, kabilang na ang mga ahensiya nitong Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Naging notoryus ang korapsyon sa DA sa loob ng anim na taon ni dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III.

Kahit ngayong naupo si Dar ay nababalita sa media na hindi tumigil ang korapsyon sa DA, BAI, BPI at BFAR.

Ayon kay Poe, hindi dapat todo-suporta ng DA sa mga importer.

Nakarating sa SAKSI Ngayon na pinagkakakitaan ang patakarang importasyon ng mga korap sa DA, partikular sa BAI at BPI.

Hindi nagsalita si Poe kahit kailan laban sa DA bilang paggalang kay Senadora Cynthia Villar na siyang mayroong ‘teritoryo’ sa agrikultura.

Kaya lang, tila hindi nagustuhan at hindi matanggap ni Poe ang pahayag ni Secretary Dar sa pagdiriwang ng anibersaryo ng DA.

Ibinida ni Dar ang pagkakaroon ng “stronger” food security ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon.

Tiniyak din ng kalihim na “on track to prosperity” ang agrikultura ng bansa.

Ipinaalala ni Poe kay Dar na: “We must improve the conditions of our farmers and help increase their productivity if we are to realize inclusive growth”.

“At a time when borders across the globe are again closing, we need to strengthen our own production of food and aspire for self-sufficiency as most countries have been doing since last year,” susog ni Poe. (NELSON S. BADILLA)

178

Related posts

Leave a Comment