HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), at Department of Labor and Employment (DOLE) na galugarin ang lahat ng maaaring mapagkunan ng pondo para makapagbigay ng pagkakakitaan o ayuda sa mga manggagawang apektado ngayong isinailalim na muli ang National Capital Region sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa senador, dapat pinaghandaan na ng gobyerno ang mga posibleng maging epekto sa mga manggagawa na sakop ng mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.
“Dapat nakalatag na ang tulong para sa mga mawawalan ng trabaho bago pa man inanunsyo na ibabalik ang paghihigpit ng protocol kasunod ng dumadaming kaso sa bansa ng mas nakahahawang Delta variant,” giit ng senador.
Sa pinakahuling unemployment survey na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagyang tumaas ang bilang ng mga nawalan na trabaho. Mula sa 3.73 milyong apektadong manggagawa noong Mayo ay umakyat ito sa 3.76 milyon noong Hunyo. (ESTONG REYES)
153 