MISTULANG gustong gutumin ng gobyerno ang taumbayan lalo na ang mga nakatira sa National Capital Region (NCR) dahil sa pagbabawal ng mga ito sa community pantries habang nasa ilalim ng mas mahigit na enhanced community quarantine (ECQ) ang rehiyon at iba pang lugar sa bansa.
“Hindi namin maintindihan na ang usapin ngayon (ay) banning humanitarians program,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas gayung kailangan na kailangan aniya ang bayanihan ng mga tao upang tulungan ang kanilang kapwa na tiyak na magugutom.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ipagbawal ng Philippine National Police (PNP) ang community pantries sa panahon ng ECQ maliban lamang kung ang mga organizer ay APOR o authorized persons outside residence.
Gayunpaman, kailangan pa rin umanong kumuha ng permit ang mga gustong magtayo ng community pantry at maging ang mga magsasagawa ng iba pang uri ng humanitarian activities at relief operations.
Kinondena ito ni Brosas sa pagsasabing “wala na ngang ayuda at hanapbuhay, pati ang bayanihan ipagbabawal. Bakit kailangan ang permit para tumulong sa kapwa?” gayung ito aniya ang panahon para magtulungan ang mga tao.
Umusbong ang community pantry noong Marso nang isailalim ang NCR plus bubble sa ECQ sa ikalawang pagkakataon kaya kahit papaano, ayon sa mambabatas, ay nagkaroon ng pagkain ang mga taong naapektuhan sa lockdown.
Isa ito sa inaasahan aniya ngayon ng mga tao lalo na’t dalawang linggo silang walang kikitain dahil sa lockdown at wala pang kasiguraduhan kung kailan nila matatanggap ang P1,000 ayuda na ipinangako ng gobyerno.
“Again we reiterate the P10,000 ayuda,”ayon pa sa mambabatas dahil wala aniyang mararating ang P1,000 na ibibigay ng gobyerno sa mahigit 10 milyon sa 14 milyong residente ng NCR. (BERNARD TAGUINOD)
207 