IPINAGMAMALAKI ng sambayanang Filipino si Carlo Paalam makaraang masungkit ang silver medal sa katatapos lamang na Men’s Flyweight Boxing Competition sa Tokyo Olympics.
“The entire Filipino nation is very proud of you, Carlo,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Ani Sec. Roque, ang daan na tinahak ni Carlo sa Olympics ay kuwento ng mga Filipino – na puno ng “pagtitiyaga, sakripisyo at pagsisikap.”
Nawa’y magsilbi aniyang inspirasyon sa mga kabataang Filipino ang ipinamalas ni Carlo sa Tokyo Olympics.
Sa kabilang dako, labis namang nagpapasalamat ang Malakanyang sa mga atletang Filipino na lumahok sa Tokyo Olympics dahil ipinamalas ng mga ito ang kanilang world-class talent, bilang kinatawan ng Pilipinas.
Itinaas din ng mga ito ang diwa ng mamamayang Filipino sa panahon ngayon na nakikipaglaban sa pandemiya na dala ng COVID-19.
“We thank you for giving the Philippines its best Olympic performance in history. Mabuhay ang atletang Pilipino,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
218 