Bahay ng mayor nilooban 2 AKYAT-BAHAY TIMBOG SA PNP-PRO5

ARESTADO sa mga tauhan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PNP-Police Regional Office 5, sa ikinasang follow-up operation ang dalawang lalaking umano’y nanloob sa bahay ng isang mayor sa Cataingan, Masbate.

Ayon kay P/BGen. Estomo, naglunsad ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Masbate Police Provincial Office sa Brgy. Poblacion, sa bayan ng Cataingan, matapos na looban ang bahay ni Mayor Felipe L. Cabataña.

Bandang alas-11:30 ng umaga noong Martes, dumulog si Mayor Cabataña sa himpilan ng Cataingan MPS upang i-report ang umano’y pagkawala ng kanyang mga personal na gamit na nakalagay sa kwarto nito sa nabanggit na lugar.

Base sa salaysay ng biktima, P960,100 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw sa kanyang bahay kabilang ang mga alahas at cheque.

Nang makumpirma at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, agad naglunsad ang mga awtoridad ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kina Alisatam Minandang y Marohom, 27, at alyas John, isang menor de edad, sa naturang lugar.

Lubos namang ikinatuwa ng biktima ang mabilis na pagbibigay ng aksyon ng pulisya sa insidente.

Ayon kay PBGen. Estomo, ang PRO5 ay mananatiling handa sa pagbibigay ng tulong at pag-agapay sa bawat Bicolano upang tiyakin ang kanilang kaligtasan. (JESSE KABEL)

382

Related posts

Leave a Comment