HINDI dahilan ang umiiral na lockdown upang ipagwalang-bahala ng kapulisan ang itinakdang alituntunin sa paraan ng pag-aresto sa mga mahuhuling lumalabag sa community quarantine protocols.
Sa isang pahayag, sinabi Philippine National Police (PNP) director-general Guillermo Eleazar na hindi niya palalampasin ang anumang pag-abuso ng mga pulis kaugnay ng pagpapatupad ng mga itinakdang guidelines sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine at Modified ECQ.
Aniya, lockdown man o hindi ay kailangan pa ding panatilihin ang kaayusan sa paraang naaayon sa itinatadhana ng batas.
Unang nanawagan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa hanay ng kapulisan na sundin ang mga reglamento sa pag aresto lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng mahigpit na lockdown classifications tulad ng Metro Manila, Laguna, Bataan at iba pang lalawigan.
Mahigpit na tagubilin ni Eleazar – sundin ang rule of law sa mga pag-aresto at pagsita sa mga lumalabag kasunod ng panawagan sa publiko na sundin din ang mga pinaiiral na alituntunin kaugnay sa safety and health protocols.
“Sinisiguro kong susundin ng ating kapulisan ang mga nakasaad sa guidelines na pinirmahan ng DOJ at DILG (Department of the Interior and Local Government) tungkol sa paghandle ng mga insidente ng health protocol violations,” ani Eleazar.
“Mahigpit din susundin ng kapulisan ang nakasaad sa mga ordinansa,” dagdag pa ng heneral .
Magugunitang buwan ng Hunyo, kapwa lumagda ang DOJ at DILG sa pagbuo ng internal guidelines sa mga law enforcer at mga ahensya ng gobyerno sa paghawak ng mga kaso ng paglabag sa health protocol sa gitna ng community quarantine.
Nilinaw din sa nasabing joint memorandum circular ang mga gagampanang tungkulin ng bawat ahensya ng pamahalaan sa aspeto ng pagpapatupad.
“Agad pananagutin ng PNP ang mga pulis na magmamalabis o aabuso sa pagpapatupad ng guidelines. Mahalaga na pairalin ng ating kapulisan ang maximum tolerance at courtesy sa pagsita sa mga quarantine violators,” dugtong pa niya.
“Ang patuloy naman na pakiusap natin sa publiko ay ang kanilang pang-unawa sa aming tungkuling ipatupad ang batas. Magtulungan tayong pigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.” (JESSE KABEL)
