DEPED TAHIMIK SA P1.1-B BIDDING

NANANATILING tikom ang bibig ng Department of Education hinggil sa bulilyaso sa isinagawang public bidding para sa P1.1 bilyong kontratang paglilimbag ng learning modules na gagamitin ng hindi bababa sa kalahating milyong mag-aaral sa mga public school sa pagbubukas ng klase ngayong Setyembre.

Maging ang tanggapan ni Education Undersecretary Salvador Malana ay walang tugon sa isinagawang imbestigasyon ng nasabing kagawaran laban sa JC Palabay Enterprises na una nang nakasungkit ng P1.1 billion contract para sa paglilimbag ng mga learning modules bilang bahagi ng sistema sa ilalim ng blended learning system.

Sa paunang imbestigasyon ng nasabing kagawaran, lumalabas na gumamit ng dinoktor na Audited Financial Statement at Net Financial Contracting Capacity ang JC Palabay Enterprises para masungkit ang kontratang 11 ulit na mas mataas kaysa sa idineklara nitong kapasidad.

Ang nasabing bulilyaso ay nadiskubre ng DepEd makaraang umamin ang isa umanong kasapakat ng naturang kumpanya sa ginawa nitong “pag-areglo” sa bidding requirements ng JC Palabay Enterprises.

Batay sa dokumentong isinumite sa DepEd, ang JC Palabay Enterprises ay mayroon lamang Net Financial Contracting Capacity (NFCC) na hindi man lang umabot sa P100 milyon. Gayunpaman, nakuha pa rin nitong maibuslo ang P1.1 bilyong halaga ng kontrata para sa 3rd at 4th quarter ng papasok sa school year.

Pagtatapat pa isang kawani ng kagawaran, nakuha aniyang palabasing kwalipikado ang JC Palabay Enterprises gamit ang pinalobong NFCC at Audited Financial Statement na nagsasabing mayroon na itong P1.99 billion.

Sa isang liham ni Malana na may petsang July 6, 2021, sinabi ng nasabing opisyal na kinausap na niya ang mga opisyal na bahagi ng Bids and Awards Committee na siyang nangangasiwa sa “Self-Learning Modules,” kasabay ng pangakong agad nilang aaksyunan ang nasabing usapin.

Hindi rin aniya kukunsintihin ng DepEd ang katiwalian – “Please have our assurance that, under the leadership of Secretary [Leonor] Briones, the Department will not allow or condone fraudulent and/or corrupt practices, even if these were in the form of misrepresentations made in the course of our procurement processes. We have always emphasized to our stakeholders and participants in the procurement process the strict observance of law and ethical standards,” ani Malana sa kanyang liham.

Ayon sa impormanteng kasalukuyang kawani ng DepEd kunsaan bahagi ng kanyang trabaho ay magrebisa ng mga dokumentong isinusumite ng mga nagnanais lumahok sa bidding para sa mga kontrata sa nasabing ahensya, matagal nang sumasali sa bidding ang JC Palabay Enterprises subalit hindi nananalo dahil sa hindi ito kwalipikado batay na rin sa kapasidad ng nasabing kumpanya.

Kasabay nito, isang abogadong procurement expert naman ang tahasang nagsabing may malaking anomalya umano sa nasabing bidding process lalo pa’t ang isang ganoong kalaking kontrata ay iginawad sa isang kumpanyang deklaradong hanggang P100 million lamang ang kapasidad.

Sa kanyang pagsusuri, lumalabas na taong 2019 at 2020, nakapagsumite ang JC Palabay Enterprises ng mga dokumentong nagsasabing hanggang P100 million lamang ang kanilang kapasidad.

“Napaka-imposible namang kumita siya ng dalawampung doble sa loob ng panahong halos lahat ng negosyo ay nalugi. May salamangkang naganap. Iyan ang dapat kalkalin ni Education Secretary Leonor Briones,” saad pa ng nasabing government procurement expert na nagpahayag ng kahandaang lumutang sa sandaling ipatawag ng Senado, Kamara o korte. (FERNAN ANGELES)

268

Related posts

Leave a Comment