(FERNAN ANGELES)
WALA na sa kalahati ng kabuuang 37,000 bed capacity ng mga pagamutan sa buong bansa ang nalalabi para sa patuloy na dumaraming pasyenteng tinamaan ng COVID-19, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health.
Ayon kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, 41.7% na lamang ang natitirang COVID-19 dedicated beds at patuloy pang numinipis dahil sa pagdami pa ng mga nahahawa sa bawat araw.
Gayunpaman, wala aniyang dahilan upang mabahala dahil pinaghandaan na ng kanilang kagawaran ang ganitong sitwasyon, Katunayan aniya, inihahanda na din ng pamahalaan ang mga pasilidad na pwedeng umagapay at tumanggap ng mga COVID patients sa iba’t ibang lugar. Nagdagdag na din umano sila ng mga quarantine facilities kung saan inilalagak ang mga nagpositibo sa virus.
Panawagan naman ni Vergeire sa asymptomatic at mild cases ng sakit na sa quarantine facilities na lamang tumuloy bilang pagbibigay daan sa mga severe at kritikal ang kondisyon sa iba’t ibang pagamutan sa bansa.
Mayroon din naman aniyang mga hotel na nagsisilbing temporary treatment and monitoring center na binabantayan ng mga doktor at nurses para sa mga asymptomatic at mild cases.
41 lugar nasa
Alert Level 4
Samantala, kinumpirma rin ng DOH na may 41 lugar na sa bansa ang itinaas sa Alert Level 4 sa COVID-19.
Sa datos ng ahensya, kabilang sa mga lugar na nasa pinakamataas na COVID-19 alert classification ang Las Piñas, Malabon, Makati, Marikina, Muntinlupa, Navotas, San Juan, Pateros, Quezon City, Taguig, at Valenzuela sa National Capital Region (NCR); Apayao, Baguio City, at Benguet sa Cordillera Autonomous Region (CAR); Dagupan City at Ilocos Norte sa Region 1; Cagayan at Quirino sa Region 2.
Kasama rin ang Angeles City, Pampanga, at Tarlac, sa Region 3; Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, Lucena City, at Rizal, sa Region 4A; Naga City sa Region 5; Aklan, Iloilo, at Iloilo City sa Region 6; Cebu, Cebu City, Lapu-Lapu City, at Siquijor sa Region 7; Ormoc City sa Region 8; Bukidnon, Cagayan De Oro City, at Camiguin sa Region 10 at General Santos City at South Cotabato sa Region 12.
Bukod dito, nakapagtala na rin ng Delta variant ng COVID-19 ang Las Piñas, Malabon, Makati, Marikina, Muntinlupa, Navotas, San Juan, Pateros, Quezon City, Taguig, Valenzuela, Apayao, Ilocos Norte, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Iloilo, Iloilo City, Cebu, Cebu City, Lapu-lapu City, at Cagayan de Oro City.
“Alert level is an early warning system that is action-targeted, beyond what is recommended for quarantine classification,” paliwanag ng DOH.
Luneta field hospital
92% okupado
Kaugnay nito, umakyat na sa 92 porsiyento ang kapasidad ng Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH ) sa Luneta at nasa 27 kama na lamang ang natitirang walang pasyente sa kabuuang 344 bed capacity.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, maging ang anim na city-run hospitals ay tumaas sa 46 porsyento ang occupancy rate habang ang quarantine facilities (QFs) naman ay nasa 15 percent na ng total bed capacity ang okupado mula sa dalawa hanggang apat na porsyento bago mag-enhanced community quarantine (ECQ). Ang QFs ay may 878-bed capacity. (May dagdag na ulat si RENE CRISOSTOMO)
138 