ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala sa pagbuo ng Agricultural Pension Fund (APF) upang mabigyan ng pensyon ang mga manggagawa mula sa agricultural sector, partikular ang mga magsasaka at mangingisda.
Sa kanyang Senate Bill No. 2335, sinabi ni Lapid na polisiya ng estado na rebisahin at iupgrade ang pensions at iba pang benepisyo ng mga retirees mula sa government at private sectors.
Binigyang-diin ng senador na ang agrikultura ang isa sa pinakamahalagang industriya sa bansa bilang pangalawa sa pinakamalaking sektor ng mga manggagawa.
“Marapat lang na bigyang halaga ng pamahalaan ang malaking papel na ginagampanan ng ating mga magsasaka at mangingisda hindi lamang para sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa, kundi pati na rin sa pagsiguro na may masustansya at sapat na pagkaing maihahain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” diin ni Lapid.
“Dahil sa laki ng kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa ating bayan, dapat lang na bigyan sila ng benepisyo gaya ng pension para matiyak na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa panahon na magretiro na sila.” dagdag ng senador.
Idinagdag ng senador na hindi matatawaran ang kasipagan ng mga magsasaka at mangingisda at sa gitna ng mga pagsubok na pinagdaanan ng ating bansa, patuloy silang kumakayod para maitaguyod ang kanilang mga pamilya at masigurong sapat ang supply ng pagkain.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, hangad ko na mabigyan sila ng pension sa panahong magreretiro at mapagpahinga na sila mula sa trabaho. Sa panahong iyon, gusto kong magkaroon ng sapat na pondong maibibigay sa kanila para matustusan din ang kanilang pangangailangan,” giit pa ni Lapid. (DANG SAMSON-GARCIA)
1285 