SINABI ni Presidential spokesperson Harry Roque na hinihintay pa nila ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung palalawigin o hindi ang ECQ sa Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City.
Hanggang sa darating na Linggo, Agosto 15 na lamang kasi nakataas ang ECQ sa mga nasabing lugar.
“Well, unang-una po ‘no, mayroon na pong rekomendasyon ang inyong IATF kay Presidente, inaantay na lang po natin ang approval ng ating presidente ‘no pagdating doon sa mga lugar na mapapaso na po iyong ECQ nila. So bago po dumating ng a-kinse, magkakaroon po tayo ng anunsiyo tungkol diyan ‘no; pero I’m not yet at liberty to say that,” ayon kay Sec. Roque.
Gaya aniya dati, sinusundan lamang nila ang formula na daily attack rate, two-week average attack rate at hospital care utilization rate para sa rekomendasyon ng bagong quarantine classifications.
“Sa Metro Manila, wala pa pong rekomendasyon dahil ito naman po ay hanggang a-bente ng Agosto pa,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Matatandaang, isinailalim din sa pinakamahigpit na ECQ ang Laguna, Cagayan de Oro at Iloilo City simula Agosto 6 na tatagal hanggang Agosto 15.
Ang mga probinsiya naman ng Batangas at Quezon ay inilagay sa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions hanggang Agosto 15, 2021. (CHRISTIAN DALE)
