Publiko binalaan sa pagpapaturok ng 3rd dose ng Covid vaccine ‘BOOSTER SHOT’ ILLEGAL

UMAPELA si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa mamamayang Filipino na huwag tangkaing magpaturok ng third dose ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine.

Giit ni Abalos, illegal ang magpaturok ng third dose ng COVID-19 vaccine na tinatawag na “booster”.

Aniya, ang pagpapaturok ng third dose ay pag-alis sa oportunidad sa kapwa na hindi pa bakunado kahit isang beses pa lang.

“Ngayon binabakunahan po natin ang first and second doses. ‘Wag na ‘wag kayong magpapabakuna ng pangatlo dahil nagkakakulangan na ng bakuna. Uunahin po natin yung first dose at second dose,” ayon kay Abalos sa isang panayam habang nagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa proseso ng pagbabakuna sa munisipalidad ng Pateros.

“Kaya ako nagsama ng mga awtoridad ngayon para maimbestigahan itong mga nagpapabakuna ng booster dahil bilang patakaran, bawal po ito. Hindi dapat gawin ito. Makonsensya naman kayo, and andaming wala pang bakuna, hirap na hirap na nga tayong magbakuna,” dagdag na pahayag ni Abalos.

Binigyang diin ni Abalos na ang available na bakuna sa bansa na nakuha ng pamahalaan para sa publiko ay binili o donasyon mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng COVAX facility.

Sa kabilang dako, hindi naman lingid sa kaalaman ni Abalos ang mga balita sa social media na may mga indibidwal ang diumano’y nakatanggap ng dalawang anti-COVID shots sa Mandaluyong City at nakatanggap ng third shot sa ibang local government unit (LGU).

“Siguro ang tanong dito, anong kaso?,” ayon kay Abalos.

“For one, tignan natin yung form niya. Kasi may form yan kung ilang shots pa, kung first or second. Tinitignan natin, pinapa-imbestigahan natin. Ngayon kung nilagay mo roon na isa ka pa lang, or dalawa, yun pala pangatlo ka na, that’s falsification,” paliwanag nito.

“We have to review our forms here and even review our ordinances here…maawa naman kayo,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

154

Related posts

Leave a Comment