MANANAGOT sa batas ang mga taong magpapabakuna nang labis.
Babala ito ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. matapos mahuli ang ilang indibidwal dahil sa pagpapaturok ng ikatlong shots ng COVID-19 vaccine sa kabila na nakakumpleto na ang mga ito ng kanilang 2nd shots.
Sinabi ni Galvez, na ang vaccine hopping ay ilegal habang ang vaccine hoppers ay itinuturing na immoral.
“Lahat ng bakuna ay itinuturing nating ginto at hindi basta-bastang sinasayang dahil ang gusto natin ay lahat ng Filipino ay mabakunahan,” pahayag ni Sec. Galvez.
Hindi rin aniya ito patas para sa mga nasa far-flung areas na hindi pa nabakunahan ng first dose.
Habang may mga hindi pa aniya nababakunahan ay mayroong vaccine hoppers na gustong makatatlong shots.
Kasabay nito, nagbabala rin si Galvez na ang mega vaccination sites sa Nayong Pilipino ay hindi maaaring gamitin ng vaccine hoppers.
‘Wag maging
gahaman
Binalaan din ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang mga nagnanais maniguro ng panlaban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa ibang LGU para makakuha ng booster shot kontra coronavirus.
Kasunod ito ng pahayag ni Gen. Eleazar na suportado ng PNP ang mga ordinansang pagtitibayin na nagbabawal sa mga bakunado kontra coronavirus na magpaturok pa ng karagdagang bakuna bilang boosters, partikular na iyong mga libreng ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay PGen Eleazar, “Huwag tayong maging gahaman sa bakuna. Marami pa sa atin ang hindi nababakunahan, maski first dose, dahil na rin sa limitadong suplay na nakararating sa bansa.”
Magugunitang nanawagan din si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos sa mga alkalde sa National Capital Region na magpasa ng mga ordinansa na magpaparusa sa mga taong kukuha ng booster shots gamit ang mga bakunang binili ng pamahalaan.
Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng Department of Science and Technology kung maaaring paghaluin ang iba’t ibang brand ng mga bakuna kontra COVID-19.
Sa Quezon City, dalawa ang sinampahan ng patung-patong na reklamo makaraang makakuha ng booster shot sa kabila ng pagiging bakunado na nito kontra COVID-19. Sila ay kinasuhan dahil sa paglabag sa ordinansa hinggil sa anomang pandaraya sa pagbabakuna kontra COVID-19. (JESSE KABEL)
152 