PERSONAL na galit at ilegal na droga ang tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa pagpatay sa isang lalaki at isang babae na pinagbabaril ng tatlong mga suspek sa Malabon City.
Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang sina Geraldine Atanoso, 32, ng Block 20, Lot 8, Phase 2, Area 4, Brgy. Longos, Malabon City, at Rolando Balbas, 25, ng Vitas St., Tondo, Manila.
Ayon sa imbestigasyon nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting, nasa kanto ng Hiwas at Hasa-Hasa streets sa Brgy. Longos dakong alas-2:55 ng madaling araw ang mga biktima nang lapitan ng
tatlong lalaki at matapos ang maikling pag-uusap ay biglang pinagbabaril ang mga ito.
Ayon kay Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot, isang saksi ang kumilala sa isa mga suspek na si Jimmy Abaya, alyas “Jim-jim,” 25, ng Blk. 49, Alupihang Dagat St., Brgy. Longos, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang kasama nito.
Sinabi ni Col. Barot, si Abaya ay sangkot din sa pamamaril noong Hunyo 5, 2021 na ikinasugat ng fish vendor na si Alvin Santos, 43, sa Blk. 38, Phase 3, Brgy. Longos.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang apat na basyo ng bala, dalawang deformed bullet, isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, gunting at limang piraso ng P100 bill.
Patuloy ang manhunt operation ng Malabon Police kontra kay Abaya na ngayon ay itinuturing ng mga awtoridad na lubhang mapanganib na tao, at sa dalawang kasama nito. (FRANCIS SORIANO)
172 