P1-M SHABU NASABAT SA 3 TULAK SA CAVITE

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa arestadong tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga arestado na sina Juhary Bato, 19; Ronnie Javier, 42, at Marie France Toledo, 41-anyos.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. George. Fajardo ng Dasmariñas City Police, dakong alas-10:30 noong Linggo ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. H2 ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakadakip kay Bato.

Nakuha sa suspek ang tinatayang 115 gramo ng shabu na P782,000 ang street value.

Sa ulat naman ni Corporal Lorenzo Cawaling ng Dasmariñas City Police, dakong alas-11:00 noong Linggo ng gabi nang madakip ng mga operatiba ng PDEA-4A at Bacoor CPS ang mga suspek na sina Javier at Toledo sa buy-bust operation sa Brgy. Sampaloc 4 ng nabanggit na lungsod.

Nakuha sa mga suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P680,000.

Sa kabuuan ay umabot sa halagang P1,462,000 ang nakumpiskang umano’y shabu sa mga suspek sa dalawang operasyon.

Ang mga suspek ay pawang nakakulong na sa Dasmariñas City Custodial Center at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (SIGFRED ADSUARA)

87

Related posts

Leave a Comment