SUMIKLAB ang sagupaan sa pagitan ng Philippine Army 8th Infantry Division at communist New People’s Army sa bayan ng Dolores, Eastern Samar ngayong Lunes.
Sa inisyal na ulat ay sinasabing nasa 16 rebelde ang napaslang sa isinagawang air at land assault ng militar.
Nilinaw ni 8TH Infantry Division Commander Mgen Pio Dinioso na ongoing ang sagupaan kaya hindi masasabing accurate ang lumabas na bilang ng mga casualty hangga’t hindi pa natatapos ang clearing operation sa encounter site.
Sa pahayag naman ni AFP Spokesman Col. Ramon P. Zagala, nitong Lunes ay naglunsad ang Joint Task Force Storm ng joint ground, air and sea operations laban sa CPP- NPA sa Dolores, Eastern Samar.
Ito ay makaraang makatanggap ng ulat ang tropa ng pamahalaan mula sa mga residente hinggil sa pinagkukutaan ng mga rebelde na nagsisilbi rin umanong bomb factory ng CPP-NPA.
Ayon kay Maj. Reynaldo Aragones, spokesman ng 8th Infantry Division, matapos makumpirma ang intelligence information hinggil sa sinasabing bomb factory ay inilunsad ang joint military offensive bandang alas-4 ng madaling araw ng Lunes sa bisinidad ng Barangay Osmeña, Dolores, Samar. (JESSE KABEL)
