Babala ng solon ‘WORST CASE’ KUNG WALANG BAYANIHAN 3

NAGBABADYA ng isang worst case scenario ang isang lider ng Kamara sakaling mabigo ang Kongreso na maipasa ang Bayanihan 3 na isinusulong ng Palasyo.

Ayon kay House ways and means committee chairman Joey Salceda, lalong lalala ang pandemya pagsapit ng mga buwan ng Setyembre o Oktubre kung hindi maipapasa ang probisyong pondohan ang Bayanihan 3.

Katwiran ni Salceda, higit na dapat aniyang palusutin agad ang Bayanihan 3 dahil na rin sa ambang panganib ng Lambda variant na ayon sa Departmernt of Health ay higit pang mabagsik kaysa sa kinatatakutan ngayong Delta variant.

Ani Salceda, bukod sa ayuda, kailangan din aniyang mapondohan ang expansion ng Philippine Genome Center (PGC) sa Visayas at Mindanao sa lalong madaling panahon.

Sa pagdinig ng nasabing komite nitong Lunes, sinabi ng mambabatas na kailangang maipasa ang Bayanihan 3 na siyang magbibigay daan para mapondohan ang P100 milyong hinihingi ng PGC para sa kanilang operasyon sa Visayas at Mindanao.

“September and October could be the worst months. So if we don’t get a Bayanihan 3 passed to deal with this issue, you could have no power to realign any further funds for ayuda, and very few excess resources to directly address the new variants,” ani saad pa niya.

Bagamat pasado ng sa Kamara ang Bayanihan 3, nananatili namang nakabinbin ito sa Senado bunsod na din ng kabiguan ng mga economic managers ng administrasyon na tukuyin kung saan huhugutin ang kinakailangang pananalapi sa ilalim ng mga programa ng nasabing panukalang batas.

Sa ilalim ng bersyon ng Kamara, naglaan ito ng P401 bilyon — P216 bilyon ng nasabing halaga ay kumakatawan sa P2,000 ayuda sa bawat indibidwal na apektado ng pandemya. Ang nalalaping halaga naman ay itutuon umano sa cash for work program, COVID-19 interventions at economic aid para sa maliliit na negosyante.

Pasok din sa Bayanihan 3 ang pondo para sa PGC na siyang pangunahing dahilan kung bakit kailangan aniyang aksyunan na ng mga senador ang nakabinbing panukulang batas.

“The genome center is one of the cheapest but lifesaving measures in the proposed Bayanihan 3, especially as different variants pose different risk levels. Tracking what the variants are and where they are is crucial. If you don’t have enough genome sequencing in Visayas and Mindanao, you are walking blindly in about half of the country,” pagtatapos ni Salceda. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment