WALANG AYUDA ‘PAG LUMABAG SA CURFEW

LAGUNA – Upang tiyakin ang pagtalima ng mga residente sa mga ipinatutupad ng panuntunan sa ilalim ng pinaiiral na enhanced community quarantine, nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Biñan na posibleng hindi na mabahagian ng ayuda ang mga residenteng mahuhuling  nasa labas ng kani-kanilang tahanan nang walang sapat na dahilan.

Sa isang anunsyo, sinabi ng Biñan public information office na tanging authorized persons outside residences (APOR) ang pinahihintulutan sa labas ng kani-kanilang tahanan. Gayunpaman, tanging “essential grounds” ang kanilang tatanggaping dahilan tulad ng pagbili ng pagkain, pagpunta sa vaccination centers para sa iskedyul ng bakuna at pagpunta sa ospital.

Babala pa ni Mayor Arman Dimaguila, pinag-aaralan nilang mabuti kung maaaring idiskwalipika sa pagtanggap ng ayuda ang sinomang mahuhuli sa paglabag ng mga umiiral na protocols, lalo pa’t batid aniya nilang wala rin namang ibabayad ang mga ito sa multang itinakda sa ilalim ng kanilang ordinansa.

Sa kanyang ulat, sinabi ni Dimaguila na nitong mga nakalipas na araw, hindi bababa sa 300 katao na ang kanilang nahuli sa paglabag sa curfew.

Tugon ng Department of Interior and Local Government DILG Undersecretary Jonathan Malaya, hindi maaaring hindi ibigay ang kanilang ayuda mula sa national government bilang parusa sa mga paglabag.

Ani Malaya, mas maiging ibigay muna ang ayuda sa mga lumabag (kung sila’y nasa masterlist ng mga benepisyaryo) at saka singilin ng karampatang halagang akma sa paglabag.

Kaugnay nito, hindi na rin kailangan pang lumabas sa kani-kanilang tahanan ang mga residente ng nasabing lungsod. Ayon sa lokal na pamahalaan, mag-iikot sa mga bahay-bahay ang tinatayang 300 kawani ng lokal na pamahalaan upang maging mabilis ang pamamahagi ng ayuda na magsisimula sa Miyerkoles. (CYRILL QUILLO)

168

Related posts

Leave a Comment