PATAY ang isang security guard habang sugatan ang isa pa sa insidente ng sunog nitong Martes ng umaga sa isang industrial area sa Valenzuela City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Valenzuela, nagsimula ang sunog sa Barangay Paso de Blas dakong alas-4:41 ng madaling araw.
Anim na minuto lamang ang makalipas ay itinaas ng BFP sa ikatlong alarma mula sa 10-bahagdan, ang insidente sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy na ikinatupok ng Gilvan Packaging Corporation at Stronghand Inc.
Kapag umabot sa ikatlong alarma ang sunog ay nangangahulugang 12 firetrucks ang kailangan upang mapigil ang pagkalat ng apoy.
Napag-alamang may nakaimbak na solvent sa Gilvan na gumagawa ng packaging materials, at ayon sa mga residente ay may narinig silang pagsabog sa kasagsagan ng sunog.
Ganap na naapula ang apoy dakong alas-6:23 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP-Valenzuela sa nasabing insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima, kung magkano ang halaga ng naging pinsala at kung ano ang sanhi ng sunog. (ALAIN AJERO)
188 