Bubuwisan sa milyones na income SOCIAL MEDIA INFLUENCERS TARGET NG BIR

INIIMBESTIGAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tinatawag na social media influencers na nakabase sa bansa na kumikita ng milyones gamit ang kani-kanilang social media platforms, para pagbayarin ng kanilang mga buwis.

Kabilang sa mga pinagpaplanuhang singilin ng buwis ay ang gumagamit ng social media platforms tulad ng YouTube, Instagram, Facebook, Twitter, TikTok, Reddit, Snapchat na kumikita ng tatlong milyong piso sa loob ng isang taon.

Ayon sa BIR, kailangang buksan ng mga ito ang kanilang libro para sa audit ng independent certified public accountants. “‘Di naman pwedeng libre lahat!” ayon sa BIR.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni BIR Commissioner Ceasar Dulay sa kanyang staff na magsagawa ng full-blown tax investigation sa social media influencers na nakatira sa bansa kasunod ng mga ulat na hindi sila nagbabayad ng buwis sa kabila na malaki ang kinikita ng mga ito mula sa kanilang iba’t ibang online platforms.

Kasabay nito, naglabas si Dulay ng memorandum circular no. 97-2021 kung saan ay nakasentro ang taxation sa social media influencers para tukuyin ang pinagmumulan ng kanilang kita at payagang silang mabawas ang home at transportation expenses nila.

Sinabi pa ng BIR, nakatanggap sila ng mga ulat na marami sa mga ito ay hindi nakarehistro o pawang hindi nakarehistro sa ilalim ng iba’t ibang tax types at hindi nila idinedeklara ang kanilang kita para makaiwas sa pagbabayad ng buwis.

Malaki man o maliit ang mga negosyo ay natutulungan ang social media influencers sa pag-market ng kanilang mga produkto at serbisyo.

“If a social media influencer receives free products in exchange for the services rendered, he or she must declare the fair market value of such products as income,” ayon pa sa BIR.

Bukod sa income tax, ang online influencers ay mananagot din para sa business tax na kung saan ay may percentage o VAT.

Samantala, ang self-employed individuals na ang gross sales o gross receipts at iba pang non-operating income na hindi lalagpas ang VAT threshold ng P3 milyon, ay may option na eight percent tax sa gross sales o gross receipts at iba pang non-operating income na sobra sa P250,000. (JOEL O. AMONGO)

137

Related posts

Leave a Comment