4 TRABAHADOR SUGATAN SA GUMUHONG PADER

CAVITE – Sugatan ang apat na construction workers nang mabagsakan ng gumuhong pader ng itinatayong gusali sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.

Ginagamot sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang mga sugatang sina Ricardo Juvida, 47; Richard Serrano, 34; Allan Vales, 24, at Rolly Villa, 32, pawang mga construction worker.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1096 (National Building Code of the Philippines) at reckless imprudence resulting in multiple physical injuries sina Justin Ong, 26; Romeo Bonabon, 61, may-ari ng ipinatatayong gusali, at ang contractor na si Engr. Jonello Protomartir na pinaghahanap ng pulisya dahil sa reklamo ni Alquin Salinog ng Office of the Building Officials ng Dasmariñas City.

Ayon sa ulat ni P/Ssgt. Richard Domingo ng Dasmariñas City Police, dakong alas-2:50 noong Martes ng hapon nang mangyari ang insidente habang abala ang mga trabahador sa itinatayong gusali sa Wetmark construction Site sa #9070 Pintong Gubat, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City.

Bigla na lamang umanong gumuho ang bahagi ng pader at nabagsakan ng mga tipak ng semento ang mga biktima na nagresulta sa kanilang pagkakasugat.

Isang Engr. Jonello Protomartir ng John-Cel Builders, ang contractor ng nasabing itinatayong gusali subalit base sa nakuhang record, wala umano itong building permit. (SIGFRED ADSUARA)

267

Related posts

Leave a Comment