DELTA VARIANT SA CALABARZON, 148 NA – DOH

LAGUNA – Umakyat na sa 148 ang kaso ng Delta variant sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), ayon sa Department of Health Regional Office.

Naitala sa probinsya ng Laguna ang 48 kaso ng COVID-19 Delta variant, habang sa Cavite ay 44, Rizal, 33, Batangas, 15, at sa Quezon ay walo.

Sinabi ni DOH 4-A Regional Director Eduardo Janairo, kabilang sa 148 na kaso ng Delta variant, apat rito ay kumpleto na ang bakuna, habang 13 ay mayroon nang unang dose. Nasa 58 naman ang walang bakuna at 73 ay bineberipika pa sa kasalukuyan.

Sa nasabing bilang, 102 kaso ng Delta variant ay klasipikadong local cases, 24 naman rito ay returning OFWs, at 22 naman ay inaalam pa sa ngayon.

Gayunpaman, wala na umanong active cases ng Delta variant sa rehiyon dahil nakarekober na ang mga ito habang ang dalawa naman ang namatay na.

“Napakaimportante na tayo po ay mabakunahan para magkaroon po tayo ng karagdagang proteksyon laban sa virus. Sa datos po ay makikita natin na mas maraming nahahawa na hindi nabakunahan kaya nananawagan po kami sa mga hindi pa nabakunahan na magparehistro na po sa inyong mga LGU upang mabigyan ng bakuna,” ani Janairo.

Upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit, agad na inilunsad ng DOH 4-A ang “Project DELTA” (Detect Early Local Transmission through Antigen Testing) sa nasabing mga lalawigang nakapagtala ng kaso ng mas mabagsik na mutated virus strain.

Sa pinakahuling ulat ng DOH, nadagdagan ng 2,929 bagong kaso nitong Agosto 17. Mayroon nang kabuuang 230,599 kaso ang naitala sa buong rehiyon kung saan 22,004 rito ay active cases habang 201,670 ay gumaling na. (CYRILL QUILO)

165

Related posts

Leave a Comment