Pinatitiyak ng solon sa PNP HUSTISYA SA PINATAY NA TABLOID EXEC

KAILANGANG tiyakin ng Philippine National Police (PNP) na magkakaroon ng hustisya ang pagpatay sa tabloid executive na si Gwenn Salamida.

Ito ang panawagan ni ACT-CIS Party-list Representative at dating mamamahayag na si Nina Taduran sa PNP kaugnay ng pagpaslang sa dating editor at advertising manager ng Saksi Ngayon na si Salamida.

“Huwag sanang tigilan ang imbestigasyon at pagtugis sa mga may kinalaman sa pagkamatay ni Salamida. Alamin din kung talagang pagnanakaw lang ang motibo o may iba pang dahilan ang pagkakabaril sa kapatid natin sa media,” ani Taduran.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa mga ulat na sadyang pinatay ang biktima ng riding in tandem taliwas sa mga unang ulat na tinangkang holdapin ito subalit lumaban kaya binaril ng hindi pa nakikilalang salarin.

Hiniling din ni Taduran na magsagawa ng manhunt operation sa mga suspek upang mahuli at malaman kung may kinalaman sa trabaho o personal na negosyo ang pagpaslang sa biktima.

Hindi umano dapat mapabilang sa unsolved cases ang kaso ng biktima dahil kung hindi ay lalong lalakas ang loob ng mga salarin at magtatangka sa buhay ng mga mamamahayag.

Magugunitang pinasok sa kanyang beauty salon sa Quezon City si Salamida ng salarin at saka ito binaril na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan noong Agosto 17.

Kasabay nito, umapela rin si Taduran sa Senado na ipasa na ang hiwalay ng bersyon sa kanyang Media Workers Welfare Bill na naglalayong protektahan ang mga miyembro ng media.

“Ang mga miyembro ng media na biktima ng krimen, aksidente at iba pang kadahilanan ng kamatayan habang aktibong nagtatrabaho sa industriya ay makakakuha ng mga benepisyo sa pamamagitan ng insurance,” ani Taduran. (BERNARD TAGUINOD)

163

Related posts

Leave a Comment