SUKDULANG kalituhan naman ang kinakaharap ng mga residente ng iba’t ibang bayan sa Laguna bunsod ng balik-bawing pasya ng Malakanyang kaugnay ng pagsasailalim muli sa lalawigan sa ilalim ng MECQ, ilang araw matapos itong ilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) status.
Gayunpaman, nilinaw ng Malakanyang na maaari pa rin umanong maghain ng apela ang local government units kung sa tingin ng mga ito’y hindi angkop ang antas ng seguridad na inilapat sa kanilang lokalidad.
Sa pinakahuling anunsyo, isinailalim muli ang Laguna sa MECQ simula Agosto 21 hanggang sa matapos ang buwan.
Ibinaba rin ang quarantine status ng mga lalawigan ng Cavite, Rizal at Lucena City habang ang Batangas at Quezon ay mananatili sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions hanggang Agosto 31 ng kasalukuyang taon.
Samantala, nagsimula nang mamahagi ang ilang bayan at lungsod sa lalawigan ng Laguna matapos matanggap ang ayuda mula sa national government na nagkakahalagang P2,714,996,000.
Upang maiwasan ang hawahan at mapabilis ang proseso, minabuti ng ilang lokal na pamahalaan na magbahay-bahay sa pamamahagi ng cash assistance.
Gayunpaman, pila pa rin ang sistemang pinaiiral ng ilang barangay sa lungsod ng San Pedro. (CYRILL QUILO)
158 