Babala kontra denggoy AYUDA FORMS BINEBENTA

TAYTAY, Rizal – Nagpalabas ng isang babala sa publiko ang lokal na pamahalaan laban sa mga umano’y nananabotahe sa isinisagawang pagpapamahagi ng ayuda ng gobyerno sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.

Makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa pag-iikot ng isang grupong nagpapamahagi ng mga forms para sa umano’y “national cash assistance,” nilinaw ni Mayor Joric Gacula na hindi kabilang ang mga bayan mula sa lalawigan ng Rizal sa talaan ng pagbabahagi ng ayuda kaya naman panawagan niya sa mga residente – maging mapanuri.

Paliwanag pa ng alkalde, walang katotohanan ang giit ng nasabing grupong aniya’y hangad lamang ang manggulo at maghasik ng kalituhan sa publiko. Gusto lang umano ng nasabing pangkat na magalit ang tao sa gobyerno.

Lumalabas din sa isinagawang pagsisiyasat ng LGU na naningil ang nasabing grupo sa mga residente ng P100 para sa mga “ayuda forms” na kanilang ibinabahay-bahay. Ilan sa mga nabigyan ng forms ay napag-alamang nagbayad pa ng P100 kapalit ng forms.

Aniya, bagamat may mga tulong na ipinamamahagi ang Taytay LGU, “Nanawagan sa lahat na maging alerto sa mga kumukuha ng personal na impormasyon lalo na kung wala itong pagkakakilanlan. Bawal ang komisyon ng recruiter sa ayuda na mula sa gobyerno!”

Sa isang Facebook post, sinabi ng isang residente na lubhang napaniwala ng mga nasabing tao ang mga residente ng kanilang bayan dahil sa biglang pagdami ng mga taong tumungo sa barangay upang kumuha ng barangay ID na bahagi ng mga requirements umano para makakuha ng ayuda.

Bukod sa binabayarang forms, naningil din umano ang nasabing grupo ng dagdag para sa stamp at stub.

Kaugnay nito, inatasan ni Gacula ang Taytay PNP na hagilapin ang mga nasabing indibidwal at papanagutin sa batas. (FERNAN ANGELES)

157

Related posts

Leave a Comment