UMABOT sa 40 ang namatay sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area dahil sa COVID-19, habang 4,939 na ang active cases sa nasabing mga lungsod, ayon sa ulat ng kanilang health offices.
Nakapagtala ng 31 patay sa Caloocan dahil sa pandemya sa loob ng apat na araw. Mula 5 pm noong Agosto 15, umakyat mula 1,176 patungong 1,207 ang total COVID deaths sa lungsod hanggang 5 pm ng Agosto 19, at naging 1,430 ang active COVID cases mula sa dating 1,148.
Pumalo na sa 42,947 ang total confirmed cases sa Caloocan, at sa nasabing bilang ay 40,310 na ang gumaling.
Lima naman ang namatay sa Malabon kaya’t sumampa na sa 516 ang pandemic fatalities ng lungsod. Habang 134 ang nadagdag na confirmed cases noong Agosto 19, at sa kabuuan ay 15,770 na ang positive cases sa Malabon, 808 dito ang active cases.
Umabot naman sa 128 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 14,446 ang recovered patients ng siyudad.
Dalawang COVID patients naman ang binawian ng buhay sa Navotas at 420 na ang itinumba ng pandemya sa lungsod, at hanggang 11:59 pm noong Agosto 18 ay 1,306 na ang active cases matapos na 22 ang nahawaan at 34 naman ang gumaling.
Umakyat na sa13,074 ang total confirmed cases sa fishing capital, at sa bilang na ito ay 11,348 na ang gumaling.
Dalawa rin ang iginupo ng pandemya sa Valenzuela City at 600 na ang COVID deaths sa lungsod. Hanggang 10 pm noong Agosto 19 ay 1,395 ang active cases sa lungsod matapos na 310 ang gumaling ngunit 314 naman ang nagpositibo sa virus.
Tumuntong na sa 24,699 ang nasapul ng pandemya sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 22,704 na ang nakarekober. (ALAIN AJERO)
314 