“DRUGS has no place in Region 5,” ito ang pahayag ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo nang madakip ng kanyang mga tauhan ang isang topmost wanted person at high value priority target sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa ulat na isinumite kay Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo, nadakip sa ikinasang law enforcement at anti-narcotics operation noong Miyerkoles ng gabi si Sheena Padura y Encinares sa Brgy. San Julian, sa bayan ng Irosin, sa pangunguna ng PNP-PRO5 Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (lead unit), na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Jerry M. Alvarez, katuwang ang mga tauhan ng Irosin MPS, at RID-RSOU5.
Ang suspek ay pakay ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Section 5, Art. II ng RA 9165 as amended by RA 10640, na inisyu ni Judge Tobias B. Arriola, ng RTC Branch 55, Irosin, Sorsogon with no bail recommended.
Unang nadakip ang suspek noong Hulyo 19, 2016 sa kasong drug pushing matapos mahulihan ng mahigit 50 gramo ng suspected methamphetamine hydrochloride o shabu.
Itinuturing ding armed and dangerous person ang suspek na sangkot sa serye ng drug trafficking sa lalawigan at ikinokonsiderang isang bigtime high value drug personality na kumikilos sa Bicol Region.
Nasakote ang suspek matapos ang halos isang buwang surveillance operation ng mga tauhan ni Gen. Estomo.
Pahayag ng heneral, “We want this case to serve as a precedent to our succeeding drug cases. To net the number 1 in our list is an achievement and I couldn’t let this pass without giving due credit to my hardworking men.”
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Irosin MPS para sa booking procedures and documentation. (JESSE KABEL)
183 