ANIM lang ang Pilipinong para-athletes na nag-qualify sa Tokyo Paralympic Games na magsisimula bukas (Agosto 31).
At hindi pa man nagsisimula ang Games ay nabawasan na agad ng isang medal hopeful ang bansa nang magpositibo sa COVID-19 ang isa sa anim na Paralympians.
Maliban sa atleta, nagpositibo rin sa virus ang ilang officials at coaches, ayon kay Philippine Paralympic Committee (PPC) president Mike Barredo.
“It is unfortunate for us to inform the public that some officials, coaches, and a para-athlete of our Philippine delegation bound for Tokyo to participate in the 2020 Tokyo Paralympic Games have tested positive for COVID-19,” pahayag ni Barredo sa ulat ng spin.ph.
Naka-isolate na ang mga nabanggit, habang ang iilang natirang miyembro ng Philippine delegation na nakapasa sa protocols ay natuloy kahapon sa Tokyo.
Umaasa naman si Barredo na sa kabila ng setback ay gagawin ng limang atleta ang lahat upang makapaguwi ng karangalan sa bansa.
