PAYAG na ang Pampanga government sa kahilingan ng Philippine Basketball Association (PBA) na maipagpatuloy ang naunsiyaming Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, nasabing probinsiya.
Masayang ibinalita ni PBA Commissioner Willie Marcial na aprubado na sa pamahalaan ng Pampanga ang isinumiteng safety at health protocols ng liga para sa naudlot na All-Filipino Cup.
“Okey na tayo para makapagsimula,” pahayag ni Marcial matapos makuha ang approval ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng liga ang go-signal ng Inter-Agency Task Force at ni Dr. Enrique Baking, presidente ng Don Honorio Ventura, para sa pagpapatuloy ng elimination round ng Philippine Cup.
“We will submit the approval letter together with the PBA’s request to the IATF,” sabi pa ni Marcial.
Ipinaalam ng PBA chief na magkakaroon sa isang araw na may tatlong laro at araw na may dalawang laro lamang sa sandaling mag-restart na ang games sa semi-bubble o closed circuit format.
Naunang napaulat na Agosto 29 muling magre-resume ang 46th season, subalit hindi ito kinaya dahil maraming requirements na kailangang plantsahin muna.
TUTULUYAN
NG TEAMS
Nakapili na ng pamsamantalang tutuluyan sa Pampanga ang PBA teams.
Ang Alaska Aces ay mananatili sa Best Western Hotel habang ang Terrafirma Dyip, Northport Batang Pier at Rain Or Shine ay sa Big House Villa.
Pinili ng NLEX Road Warriors at Blackwater Elite ang Supia habang ang San Miguel Beer, Barangay Ginebra, Magnolia Hotshot, Phoenix Fuelmasters, TNT Tropang Giga at Meralco Bolts ay magsasama-sama sa Quest Hotel.
147 