HINDI pa nagsisimula sa kanilang kompetisyon ay may natanggap na agad na regalo ang mga Pilipinong Paralympians mula sa Tokyo Organzing Committee.
Masayang ipinakita nina Team Pilipinas Paralympians Ernie Gawilan, Gary Bejino at Jerrold Mangliwan ang nakuha nilang limited edition ng Samsung Galaxy S21 na regalo para sa lahat ng mga kalahok sa Tokyo Olympics at Paralympics Games.
Naunang dumating sa Tokyo ang tatlo kasama ang iba pang miyembro ng delegasyon habang naiwan sa bansa ang ibang kasamahan nilang officials, coaches at isang para-athlete na nagpositibo sa COVID-19 test.
Kumpiyansa ang 30-anyos na si Gawilan na maganda ang magiging resulta ng kanilang kampanya sa Tokyo Paralympics.
Si Gawilan ay nakatakdang sumabak sa swimming 400-meter freestyle, 100-meter backstroke at 200-meter individual medley events.
Naka-gold siya sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta sa S7 men’s 400-meter freestyle, 100-meter backstroke at 200-meter individual medley events, at silver sa 50 at 100-meter freestyle races.
Pinangunahan din ni Gawilan ang national Paralympic team sa 2015 Singapore ASEAN Para Games sa kanyang 2 golds at 1 silver, na pinantayan niya noong 2017 edition sa Kuala Lumpur. (ANN ENCARNACION)
181 