HINDI nagustuhan ng mga Quezonian ang tila pambabastos ng kanilang gobernador sa monumento ni Pangulong Manuel Luis Quezon, na sa halip na parangalan sa 143 kaarawan nito noong Agosto 19,2021 ay doon pa itinayo sa harap ng monumento ni Quezon ang entablado ng lalawigan.
Ayon sa mga dismayadong Quezonian, sa halip na bigyang-diin ni Gov. Danilo Suarez sa kanyang talumpati ang mga legasiya at kadakilaan ng yumaong Pangulong Quezon, ay mas binigyan umano nito ng prayoridad ang usapin sa nabinbing 2021 annual budget ng lalawigan.
Iginiit ng mga dismayadong Quezonian, na hindi angkop sa okasyon ang ginawa ni Governor Suarez, dahil sa halip na parangal anila para kay Pangulong Quezon ang laman ng kanyang talumpati, ay nagamit pa umano ng gobernador ang naturang okasyon upang tuligsain ang kanyang mga kritiko.
Paliwanag ng mga dismayadong Quezonian, “Halos araw-araw na ang pagtuligsa ng kanyang tagapagsalita sa media laban sa mga kritiko nito, pati ba naman ba, sa selebrasyon ng Quezon Day ay ito pa rin ang tatalakayin?”
Pinuna rin ng mga dismayadong Quezonian ang naging talumpati ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tila umano nagsilbing provincial spokesman ng kapitolyo.
Dahil sa halip na solemn ang okasyon, ito umano ay naging mainit at nag-amoy pulitika dahil sa magaspang na pagdiskurso ni Roque sa entablado na mistula anilang meeting de avance ang monumento ng yumaong Pangulong Quezon dahil sa ginawang pagtuligsa ni Roque sa mga kalaban sa pulitika ni Gob. Suarez na kanyang kaibigan at dating kasama sa Kongreso.
Tahasan umanong nilapastangan ni Roque ang esensya at layunin ng okasyon na pagbibigay-pugay at respeto sa yumaong pangulo ng bansa.
At sa kabila anila nito ay buong ningning na pinalakpakan pa ito ng gobernador at ng kanyang mga alipores, na kung magkakabuhay lang umano ang monumento ni Pangulong Quezon nang mga oras na iyon, baka nabatukan nito sina Gov. Suarez at Roque.
Iginiit pa ng mga dismayadong Quezonian na dumalo sa naturang okasyon, marahil ay ramdam na ng gobernador na hindi na tumatalab ang kanyang mga pag-apela sa mga Quezonian kung kaya’t nag-importa na ito ng kanyang tagapagsalita.
Dumalo rin sa naturang okasyon ang mga kinatawan ng militar sa pangunguna ni SOLCOM Commander, Lt. Gen. Bartolome Bacarro at mga kinatawan ng iba’t ibang law enforcement agencies, religious at civic groups at mga piling panauhin mula sa iba’t ibang sektor.
