Pag-uwi sa bangkay panawagan ng pamilya OFW INASIDO NG AMO

(FERNAN ANGELES)

MATAPOS ang anim na buwan ng pananatili sa ospital, tuluyan nang binawian ng buhay ang isang Filipino overseas contract worker sa Dammam, Saudi Arabia makaraang sabuyan umano ng asido ng amo nito lamang nakaraang Pebrero.

Panawagan naman ng pamilya ng biktimang si Sabrina Abol Tarang sa Department of Foreign Affairs (DFA), tulungan silang maiuwi ang labi ng kanilang kaanak na ayon sa pinakahuling impormasyon ay nananatiling nakalagak sa isang morge sa ospital kung saan siya binawian ng buhay nito lamang Agosto 19.

Pumanaw si Sabrina dahil sa multiple organ failure bunsod ng pagkalusaw ng halos buong katawan nito.

Sa isang panayam kay Palma Felimen Balahim, kapatid ng biktima, minsan na silang tumungo sa tanggapan ng DFA para humingi ng tulong subalit hinahanapan pa aniya sila ng mga dokumentong magpapatunay na kamag-anak nila ang biktima.

“Nakakalungkot dahil sa halip na asikasuhin nila ang ni-report naming pagkamatay ng OFW kong kapatid, hinahanapan pa kami ng dokumentong kailangan pa naming kunin sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng birth certificate, marriage certificate at marami pa,” daing ni Balahim.

Aniya, gustuhin man nilang tupdin ang mga requirements na hinahanap ng DFA, wala naman aniya silang kapera-pera.

“Ang totoo nga po niyan, maski pangkain namin ngayon dito sa Maynila problema pa araw-araw mula nung lumuwas kami para lumapit sa gobyerno.”

Hindi din aniya nakikipag-ugnayan ang Prime Goal International Manpower na siyang nag-recruit sa kanyang kapatid para magtrabaho sa Saudi Arabia.

Nang usisain kaugnay ng kasong pagsaboy ng asido kay Sabrina, ang tanging tugon lamang umano ng amo ng kanyang kapatid ay aksidente ang nasabing insidente. Nagtrabaho bilang isang domestic helper ang kanyang kapatid sa isang employer na nagngangalang Mansour Hussain Alqhatani.

Hiling din ng naulilang pamilya ni Sabrina na maiuwi ang labi ng kanilang kaanak sa Siocon sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.

162

Related posts

Leave a Comment