Nominasyon ng partido tinanggap DUTERTE GAME NA BILANG VP

OPISYAL nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-endorso sa kanya ng ruling PDP-Laban Party para tumakbo bilang vice president sa 2022 National Elections.

Bukod dito, pumayag din ang chief executive na magsakripisyo at pakinggan ang panawagan ng mamamayang Filipino.

Sa kabilang dako, ang mga sumusunod na personalidad na bubuo naman sa senatorial slate ng PDP-Laban ay sina House of Representative Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Department of Information and Communication Technology Secretary Gregorio Honasan, Chief Presidential legal Counsel Salvador Panelo, Department of Transportation Secretary Arthur Tugade at Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Nauna nang inilatag ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan PDP Laban ang mga usapin na iprisinta na may kaakibat na tanyag na panawagan mula sa PDP Laban regional, provincial hanggang sa Barangay councils na naghahangad ng “transition of leadership ” na makapagbibigay garantiya sa pagpapatuloy ng mga programa ng administrasyon sa nakalipas na limang taon kabilang na ang laban sa terorismo, insurgency, corruption at kahirapan at ang hambalos ng ilegal na droga.

Samantala, kinumpirma naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakipagpulong si Pangulong Duterte kay PDP-Laban president Alfonso Cusi at Presidential Assistant for the Visayas Michael Lloyd Dino.

Dehado Pinoy

Sa pananaw naman ng isang mambabatas, dehado ang mga Filipino sa pagtakbo ni Pangulong Duterte bilang pangalawang pangulo sa susunod na eleksyon dahil mangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng kapalpakan ng gobyerno lalo na kapag dummy nito ang nanalong pangulo.

Pahayag ito ni ACT party-list Rep. France Castro matapos ianunsyo ng PDP-Laban ang pagtanggap ni Duterte sa hamon na tumakbo sa ikalawang pinakamataas na puwesto sa pamahalaan sa 2022 election.

“Pagpapatuloy ‘yan ng kanyang tiranya, pasista at pabayang pamumuno,” ani Castro.

Ayon sa mambabatas, nagkawindang-windang ang buhay ng mga Filipino kay Duterte dahil sa palpak na pamamahala lalo na sa pandemya kaya kapag nagpatuloy ang mga ito ay lalong mawawarat ang bansa.

Itinuturing din ng mambabatas na karuwagan ang desisyon ni Duterte na tumakbo sa pagkapangulo dahil ayaw niyang harapin ang kasong “crime against humanity” na inuumang sa kanya ng International Criminal Court (ICC).

“Gagamitin niya lang ito para makatakas sa mga krimen niya sa mamamayan at proteksyunan ang kanyang mga alyado at cronies,” ayon sa mambabatas.

“Talagang takot na takot sila sa posibilidad na mapanagot sila, kagaya ng pag-usig sa kanila ng International Criminal Court,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.

Ibinasura rin ng mambabatas ang depensa ng PDP-Laban na kaya nais ni Duterte na tumakbo ay upang maipagpatuloy nito ang mga nagawa nito sa bayan lalo na sa kampanya laban sa pandemya.

Ganito rin ang opinyon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at itinuturing nito na isang desperadong hakbang ito ng pangulo dahil alam niyang hindi niya malulusutan ang ICC case.

Papalit sa mananalo

Naniniwala rin si Brosas na isang ‘ploy” ang pagtakbo ni Duterte bilang bise presidente dahil papalitan nito ang mananalong pangulo lalo na kung kasama niya ito sa kanyang pangkat para tuluyang takasan ang ICC case.

“Duterte wants to run away from possible prosecution by the ICC by taking the VP route, and then later on regaining the presidency through a willing tandem. This is a desperate ploy to perpetuate his rule and cling on to immunity,” ayon sa lady solon.

“In this survival scheme, Duterte is expected to negotiate with as many presidential bets as possible, of course with his daughter Sara as default ‘running-in-tandem,” dagdag pa ni Brosas. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

217

Related posts

Leave a Comment