2 arestado sa QC DANAO ‘OPS’ VS ILEGAL NA SUGAL

ARESTADO ang dalawang suspek sa dalawang magkahiwalay na operasyon kontra sa lahat ng uri ng ilegal na sugal sa Quezon City batay sa malawakang kampanya na inilunsad ng National Capital Region Police Office sa Metro Manila.

Matatandaan, iniutos ni NCRPO chief, P/MGen. Vicente D. Danao Jr. ang pagtutok sa operasyon kontra ilegal na sugal bilang bahagi ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad habang patuloy na kumikilos ang pamahalaan kontra pandemya.

Nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang Quezon City Police District Special Operation Unit (DSOU) sa nasasakupan ng QCPD Station 2, sa pamamahala ni P/Lt. Col. Ritchie R. Claravall matapos lumutang na patuloy pa rin ang mga operasyon ng ilegal na sugal dito.

Nasakote habang nangongolekta ng kanyang pataya sa kapwa mga tricycle driver ang suspek na si Ernesto Pancho y Peralta, 54 taong gulang, at naninirahan sa #30 A San Pedro St., San Francisco Del Monte noong Agosto 26 sa Frisco Terminal sa Tolentino Street, Barangay San Francisco Del Monte.

Nakumpiska sa suspek ang listahan ng mga taya sa loteng, ballpen at P480 na koleksyon o pataya.

Samantala, inaresto naman si Ma. Cecilia Hernandez y Macarasig, 42 taong gulang at residente ng #136 Scout Shotocio, Barangay Roxas District sa lungsod dakong alas-3:30 ng hapon noong Agosto 18 sa loob ng lotto outlet sa #180 Kaingin Road, Barangay Apolonio Samson, Quezon City habang nasa akto naman ng pangongolekta ng mga taya.

Nagkasa ng operasyon ang DSOU matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa patuloy na operasyon ng pagpapataya ng suspek sa Lotto outlet sa Barangay Apolonio, Samson, Quezon City sa kabila ng deklarasyon ng Enhance Community Quarantine (ECQ).

Kinumpiska naman ng pulisya ang mga resibo ng pataya, teller machine at koleksyon habang mabilis na nakatakas ang mananaya ng suspek.

Sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek sa City Prosecutors’ Office kaugnay sa paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling).

101

Related posts

Leave a Comment