(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KASONG malversation of public funds ang posibleng kaharapin ni Quezon Governor Danilo “Danny” Suarez makaraang lumabas sa ulat ng Commission on Audit (COA) na may nawawalang 102 milyong pisong pondo na dapat sana’y ginamit upang sugpuin ang pagtaas ng COVID-19 sa nasabing lalawigan.
Kung mapatutunayang nawawala ang nasabing pondo, maaaring si Suarez ang kauna-unahang local chief executive na maparusahan ng pandarambong na naging dahilan ng paglala ng sitwasyon ng COVID-19 sa lalawigan. Sa tala ng Department of Health, nananatiling may pinakamataas na bilang ng biktima ng pandemya ang Quezon at pinakamababang vaccination rate sa buong Calabarzon 4-A.
Sa annual report ng COA, lumalabas na mayroong P102,131,859.46 ang diumano’y nawawala mula sa kaban ng bayan sa lalawigan ng Quezon. Batay sa pagsusuri ng COA, malaki diumano ang diperensya sa kasalukuyang Cash-in-Bank (CIB) at asset accounts ng probinsya at ang nakatalang utang at napaggastusan sa ilalim ng Tanggapan ng Gobernador.
Ayon pa sa ulat ng COA, ang nawawalang pondo ay galing sa hindi nai-remit na mga koleksyon ng collecting officers sa Tanggapan ng Tesorero ng probinsya mula sa 14 provincial hospitals at ilang milyong pisong unliquidated cash advances sa tanggapan naman ng gobernador simula pa 2019.
Inabisuhan na diumano ng COA si Governor Suarez na atasan ng treasurer ang mga collection officers na i-remit sa probinsya ang mga nasabing pondo, sapagkat umaabot sa 79 araw ang delay sa remittance.
Ipinagwalang-bahala na lamang diumano ni Suarez ang abiso ng COA. Hindi umano ito nagsumite ng disbursement reports para sa mga ginastos ng probinsya na isang requirement ng COA memorandum circular 2012-001.
Ayon sa batas, nararapat magsumite ang isang opisyal ng gobyerno ng mga dokumentong magpapatunay kung saan at ano ang pinaggamitan ng pera ng taumbayan. Maaaring kasuhan ng pamahalaan ang isang local official ng pandarambong o embezzlement ng pondo bunga ng kawalan ng mga nasabing disbursement reports.
Posibleng makulong ng apatnapung taon at mawalan ng karapatang makatakbo sa anomang posisyon sa pamahalaan ang isang akusado sa paglabag sa malversation of public funds sa ilalim ng Articles 217 at 218 ng Revised Penal Code of the Philippines.
Maaari ring sampahan ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at sa Code of ethics ng mga pampublikong opisyal ang isang local chief executive kung hindi niya susundin ang COA rules. Ito ay maaaring magbunga ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto at diskwalipikasyon na humawak ng kahit na anong posisyon sa pamahalaan.
317 