Mga Pilipinong bayani ng sports at digmaan

PINARANGALAN ng Philippine Sports Commission ang apat na bayani ng bansa sa palakasan sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan sa ilang bahagi ng makasaysayang Rizal Sports Complex.

Pinangunahan ni weightlifter Hidilyn Diaz ang mga pinarangalan kabilang ang swimmer na si Teofilo Yldefonso, high jumper Simeon Toribio at tennis player na si Felicisimo Ampon.

Dahil sa kanyang naiuwing gold medal mula sa XXXII Games, 97 taon mula nang sumali ang bansa sa Olimpiyada, ang weightlifting gym sa loob ng RSMC ay pinangalanang Hidilyn Diaz Gym. Samantala, ang katabi nitong aquatic center ay tatawagin nang Teofilo Yldefonso Pool.

Ang Rizal Memorial Track Stadium na tahanan ng malalaking pagdiriwang ng bansa sa sports mula pa noong 1954 Asian Games ay tatawagin nang Simeon Toribio Stadium, at ang tennis courts ay magiging Felicisimo Ampon Tennis Court na.

Lingid sa kaalaman ng marami, 52 atleta ng Pilipinas ang dapat maparangalan tuwing Araw Ng Mga Bayani at Araw Ng Kagitingan. Sila ang mga bayaning hindi lamang nagbigay ng karangalan sa bansa sa iba’t ibang kompetisyong internasyonal kundi maging sa tunay na digmaan para makamit ang kalayaan ng ating bansa. Nangu­nguna sa listahang ito si Yldefonso na bukod sa pagiging kauna-unahang atletang Pilipinong nagkamit ng medalya sa Olimpiyada ay ibinuwis ang kanyang buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Yldefonso ng Piddig, Ilocos Norte at miyembro ng Philippine Scouts ay sumakabilang buhay sa karumal-dumal na Death March, isang 65 milyang paglalakbay ng tinatayang 75,000 sundalong Pilipino at Amerikano mula Bataan hanggang Tarlac sa ilalim ng init at ulan na ikinasawi ng libo-libong biktima.

Sa kabuuang bilang na 52 atleta, siyam ay mga Olympian kabilang ang medalist na si Miguel White ng athletics (bronze noong 1936 sa Berlin), 20 sa track and field, 10 sa swimming, siyam sa baseball, lima sa basketball, tatlo sa boxing, ­tigalawa sa football at tennis, at tig-isa sa wrestling at shooting.

Noong Hulyo 17, 1951 ay isang commemorative plaque na may sukat na 33 x 24 pulgada na gawa sa bronze ang ginawa para maitala ang kanilang mga pangalan sa dingding ng RSMC Basketball Coliseum facade ng noon ay Philippine Amateur Athletic Federation sa pangunguna ng pangulo nitong si Jorge Vargas. Dumalo sa seremonya ang mga opisyal at kinatawan ng mahigit sa 50 sports associations kabilang si Letran athletic moderator, Rev. Fr. Martin Diez.

Pitumpong taon (70) mula noon, wala isa man sa mga sumunod na hirarkiya ng Philippine sports ang nakaalala pa sa 52 atletang nagsakripisyo ng kanilang buhay sa pagseserbisyo para sa kalayaan ng bansa. Karamihan sa kanila ay miyembro pa man din ng Philippine Scouts, USAFFE underground guerrilla units.

Tatlo sa mga Olympian ay kinilalang “Most Outstanding Filipino Athletes of Half-A-Century” – Yldefonso sa swimming, Jacinto “Jumping Jack”

Ciria Cruz sa basketball at Virgilio Lobregat sa football. Si White ay pumangatlo sa 400-meter hurdles noong 1936 Olympic Games sa Berlin, kasabay si Ciria Cruz at isa pang basketball Olympian na si Amador Obordo na miyembro ng Philippine team na pumang-lima sa tuwing ika-apat na taong Palaro. Si Ciria Cruz ay pinaslang ng mga mananakop na Hapones samantalang nasa underground works sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang iba pang Pilipinong Olympian na biktima ng digmaan ay sina Lt. Nemesio de Guzman ng track and field, Lt. Otoniel Gonzaga ng shooting, Lt. Simplicio de Castro ng boxing at Lt. Enrique Jurado at Abduraman Ali, kapwa ng swimming.

Sina Yldefonso at White ay kabilang sa 11 Olympic ­medalist na pinagkalooban ng “Lifetime Achievement Award” ng Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) noong ika-80 anibersaryong paglahok ng Pilipinas sa Olympiyada.

Ang iba pang Pilipinong runners, throwers at jumpers na pumanaw din sa digmaan ay sina Miguel Sugeco, Sgt. ­Doming Espanol, Lt. Jose Antonio, Mayor Emilio Bucoy, Wenceslao Bansale, Eliseo Razo, Civico Granado, Maximino Pasaporte, Albino Bangayan, Delfin Danguilan, Lt. Constantino Alambra, Moises Lucas, Felizardo Casia, Francisco Danao, Bartolome Barabad, Alejo Alvarez at Simon Santos;
Swimmers Rosendo Aguinaldo, Policarpio Tolentino, Donato Cabading, Miguel Bartolaso, Ulka Mangona, Jakara Angkang, Bernardino Tugbo at Mauricio Guidote;
Baseball players Sgt. Aquilino Jacob, Cpl. Pablo Chu, Sgt. Gervacio Estorba, Atilano Rivera, Casimiro Francisco, Ramon Oncinian, Toribio Oncinian, Regino Bertulfo at Cipriano Platon.

Ang iba pang non-Olympic athletes na pumanaw suot ang ­military uniform ay sina Carlos Canillas, Albert Murrow at Robert Keesy ng basketball; Francisco Zarcal at Martin Roxas ng boxing, Jose Miranda ng football, Concepcion Santos-Cepeda at Juan Ladaw Jr. ng tennis.

Si Gng Santos-Cepeda ay matagal naging kampeon ng ­singles at doubles sa tennis.

836

Related posts

Leave a Comment