Pamilya ng napatay na 18-anyos dismayado 40 DAYS SUSPENSION PARUSA SA PULIS

DISMAYADO ang pamilya ng isang special child na napatay ng pulis sa kasagsagan ng kanilang police operation kontra tupada sa Valenzuela City, sa ibinabang desisyon ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) na patawan lamang ng 40 araw na suspensyon nang walang sahod ang akusado.

Noong nakalipas na linggo ay inirekomenda ng IAS ang pagpapataw ng parusang 40 araw na suspensyon kay Police Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, isa sa apat na mga pulis na sangkot sa pagbaril kay Erwin Arnigo na may autism spectrum disorder.

Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, 60 araw suspensyon dapat ang parusa kay Salcedo ngunit ibinaba nila ito sa 40 araw dahil sa mga parangal na natanggap nito sa serbisyo.

Lumilitaw umano sa imbestigasyon ng IAS na ang tanging pagkakamali lang ni Salcedo ay hindi ito naging maingat sa paghawak ng kanyang baril habang sinusubukang arestuhin ang biktima.

Sa unang deklarasyon ng Valenzuela Police, nakipag-agawan umano sa baril ang biktima sa mga pulis na salungat sa salaysay ng pamilya Arnigo dahil 18-anyos lamang umano ang kanilang anak bukod pa sa isa itong autistic o dumaranas ng autism spectrum disorder.

Ayon sa pamilya ng napatay na binatilyo, hindi sapat ang parusang ipinataw sa pulis na nakabaril sa kanilang anak na may kapansanan sa pag-iisip.

Bunsod nito, nanawagan kay PNP chief, P/General Guillermo T. Eleazar ang pamilya ng biktima para i-apela ang desisyon ng IAS.

“Hindi po ako papayag na ganoon-ganoon lang po mangyayari doon sa anak ko. Ganoon lang po kagaan ‘yung kasi na iaano sa kanya. Hindi po dapat ganoon kasi special child po ‘yung anak ko eh,” ani Helen Arnigo

“Sir Eleazar, tulungan niyo naman po kami. Hindi po karapat-dapat ganoon mangyari sa anak ko. Gusto ko pong maparusahan ‘yung pumatay po sa anak ko. Sir, nangako naman po kayo. Tulungan niyo kami.” (JESSE KABEL)

232

Related posts

Leave a Comment