2 PANG SUSPEK SA MASAKER TIMBOG SA PNP-PRO5

NADAKIP na rin ang dalawa pang suspek sa malagim na Masbate massacre na ikinamatay ng lima katao at ikinasugat ng isang dalagita, makaraan ang isinagawang follow-up operation ng PNP-Police Regional Office 5 sa Barangay Eastern Capsay sa nasabing lalawigan.

Base sa ulat na isinumite kay Bicol PNP Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, naaresto ng kanyang mga tauhan ang ama at tiyuhin ng 16-anyos na binatilyo na nagsilbing look-out sa krimen at naunang naaresto ng mga tauhan ng Baleno Municipal Police Station.

Ayon kay P/Capt. Ronnie Corral, hepe ng Baleno Municipal Police Station, ipinoproseso na ngayon ang isasampang kaso laban sa 16-anyos na suspek, sa ama nito si Deonilo Rabino y Gutlay na siyang nagplano ng pagpasok at pagnanakaw sa bahay ng mga biktima. Kasama rin sa pagsasakatuparan nito ang kanyang tiyuhin na si Rowel Rabino y Gutlayna.

Nauna rito, lumitaw sa isinagawang interogasyon sa suspek na itinago sa pangalang “David”, 16-anyos, isiniwalat nito na kasama sa naturang krimen ang kanyang ama at tiyuhin.

Sa report kay Gen. Estomo, natukoy ang kinaroroonan ng dalawa pang suspek. Dakong alas-11:30 noong Lunes ng umaga ay namataan si Deonilo sa Sitio Gold-Bug, Brgy. Syndicate, Aroroy ng nasabing probinsya. Alas sais y medya naman ng hapon sa parehong araw, si Rowel ay nakita sa Brgy. Capsay ng nasabing bayan. Ang mga ito ay maayos na sumama sa mga tauhan ng Aroroy MPS. Sila ngayon ay inilipat na sa pangangalaga ng Baleno MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inaalam pa kung ginahasa ng dalawang pangunahing suspek ang dalawang babaeng biktima kaya isasailalim sa post-mortem at genital examination ang bangkay ng mga ito.

Lumalabas na pinauwi si alyas Dave ng kanyang ama matapos ang krimen at naiwan na lamang ang dalawa sa pinangyarihan ng insidente.

Nakuha sa crime scene ang isang utility knife, isang cleaver knife, at isang tabak.

Samantala, inamin naman ni Rowel ang kanyang aktibong partisipasyon sa karumal-dumal na krimen.

Armado ng kutsilyo at tabak ay pumuslit sa dakong likuran ng bahay ang tatlong suspek. Habang natutulog ang mga biktima, sinamantala ng tatlo ang pagkakataong nakawin ang cellphone at pera ng mga ito.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nagising ang katorse anyos na biktimang si “Kristine”, ‘di tunay na pangalan, sumigaw ito ng saklolo ngunit agad itong sinaksak ng dalawang beses sa tiyan ni Rowel. Habang si Deonila naman ay tinungo ang silid ni “Joyce”, ‘di tunay na pangalan, at sinaksak din ito.

Nagambala sa komosyong narinig ang mga karatig bahay nito na sina Jennifer Adigue, 40; Jesus Adique, 70; Adela Cortes, 67, kaya dali-daling pinuntahan ang bahay ngunit maging sila ay pinagsasaksak din ng mga suspek.

Dahil sa mga sugat, agad binawian ng buhay ang lima habang ang 13-anyos na sugatang babae ay maswerte namang nakaligtas.

Nahaharap ang mga suspek sa tatlong magkakahiwalay na kasong frustrated robbery with homicide at murder na walang inirekomendang piyansa; at frustrated murder na may piyansang P200,000 bawat isa. (JESSE KABEL)

127

Related posts

Leave a Comment