100K J&J vax para sa isang LGU? CABUYAO SAPUL SA FAKE NEWS

LAGUNA – Mistulang superspreader event ang maaaring kahantungan sa isang ospital sa lungsod ng Cabuyao kung hindi naagapan ang kumalat na balita hinggil sa pagdating ng 100,000 doses ng J&J’s Janssen COVID-19 vaccines sa nasabing lokalidad.

Paglilinaw ng Cabuyao City government, fake news ang kumalat sa social media hinggil sa umano’y pagdagsa ng single-dose Janssen vaccines sa lungsod.

Sa pahayag na lumabas sa official Facebook page ng Cabuyao City Information Office, mariing itinanggi ng Ospital ng Cabuyao ang maling impormasyong ipinakalat ng isang fake FB account na anila’y hangad lamang guluhin ang programa ng pamahalaan kaugnay ng isinasagawang vaccination rollout.

“Ang mga anunsyong kalakip ng post na ito sa kasamaang palad ay mga FAKE NEWS at walang katotohanan. Huwag po sana tayo agad maniwala. Makaaasa kayo na magkakaroon ng sapat na hakbang na legal ang pamahalaang lungsod upang ituwid ang malaking kamaliang ito,” saad ng Cabuyao CIO.

Sa post ng sinasabing fake FB account, magsasagawa umano ang Ospital ng Cabuyao ng libreng swab test nitong Agosto 31 hanggang Setyembre 5. Bahagi rin ng nasabing post ang panghihikayat sa mga residente ng Cabuyao na pumunta ang mga nagnanais na magpabakuna sapagkat nakatanggap umano ang nasabing pagamutan ng 100,000 doses na Janssen vaccines at magsisimula ang bakunahan sa Setyembre 1.

Pakiusap ng Cabuyao CIO sa mga residente ng lungsod — maging mapanuri sa bawat impormasyong nakukuha sa social media, kasabay ng paghimok na direktang makipag-ugnayan sa official social media pages ng mga tanggapan ng Cabuyao LGU para sa mga serbisyong bayan.

Kaugnay nito, naglunsad ng imbestigasyon ang pamahalaang lungsod sa hangaring mapanagot ang anila’y nasa likod ng mga disinformation sa Cabuyao. (CYRILL QUILO)

113

Related posts

Leave a Comment