DOH FACILITIES SA CALABARZON HALOS PUNO NA

SA kabila ng paghihigpit ng pamahalaan sa mga residente, patuloy pa rin ang paglobo ng kaso ng mga tinamaan ng nakamamatay na COVID-19 sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon batay na din sa datos na inilabas ng Department of Health Region IV-A.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH-Calabarzon na halos puno na din maging ang kanilang regional government center isolation facility sa Calamba City, dahil sa patuloy na pagdating ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Anila, 57 beds na lamang ang inilaan para sa mga nagpositibo sa higit na mabagsik na Delta variant, samantalang 399 bed capacity naman para sa ibang mga pasyenteng tinamaan ng “less vicious COVID-19 strain.”

Maging ang Ligtas-COVID Center sa Cabuyao City na may 80-bed capacity ay wala nang pagsidlan ng mga dumadagsang pasyenteng tinamaan din ng virus. Sa kanilang pagtatala, mayroon pang 20 pasyente ang nakapila sa labas ng nasabing pasilidad.

Paliwanag ng DOH regional office, ang dalawang pasilidad nila ay ang karaniwang takbuhan ng mga pasyente mula sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Batangas kaya naman hindi nakapagtatakang mabilis na numinipis ang kapasidad ng  mga ito.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH-Center for Health Development nitong Agosto 30, mayroong nadagdag  na 2,677 bagong kaso ng COVID-19. Suma total, nakapagtala na ang rehiyon ng kabuuang 257,524 bilang ng mga nahawaan.

Nasa 33,406 naman ang aktibong kaso habang 216,536 ang mga gumaling at 7,582 ang nasawi. (CYRILL QUILO)

132

Related posts

Leave a Comment