INUDYUKAN ni Senador Win Gatchalian ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ang Department of Health (DOH) na patawan ng kaukulang parusa ang sinomang gumawa ng peke o dinoktor na unified vaccination certificates para na rin sa kaligtasan ng lahat.
“Hindi maiiwasan na baka may magsamantala kaya dapat ngayon pa lang ay pinag-iisipan na kung ano ang mga maaaring posibleng hakbang kung gagamiting kasangkapan sa mali o ilegal na gawain ang unified vaccination certificate,” ani Gatchalian.
“Dapat maglabas na ng stiffer penalties laban sa mga mamemeke ng mga vaccination cards o gagawa ng mga bogus na vaccination cards.
Marami tayong OFWs na aalis at babalik sa kanilang trabaho sa abroad. Baka merong mga sindikato na mang-abuso o magsamantalang gumawa ng fake vaccination cards for a fee. Dapat mahuli sila at parusahan dahil kawawa naman ‘yung OFWs na mabibiktima,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng posibilidad na maengganyo ang ibang overseas Filipino workers (OFWs) na nakatakda nang umalis ng bansa.
Sa Valenzuela City, isang ordinansa ang ipinasa laban sa ilegal na paggamit, hindi awtorisadong pag-print o pagkopya ng Valenzuela City Vaccination (VCVax) passport o vaccination card na ini-issue ng lokal na pamahalaan. Multa na mula P1,000 hanggang P5,000 o depende sa dami ng nagawang paglabag ang ipapataw. Dagdag pa ang posibleng pagharap sa kasong kriminal ng sinomang lumabag sa nasabing kautusan. Mahigpit ding ipinagbabawal sa mga residente ang pagbibigay ng mga maling impormasyon na ilalagay sa VCVax.
Ilulunsad ngayong Setyembre 1 ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pilot test ng VaxCertPH. (ESTONG REYES)
