Ni ANN ENCARNACION
SIKSIK, liglig ang pagpapatuloy ng naunsiyaming 2021 PBA Philippine Cup ngayon Miyerkoles sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Dahil sa isang buwang natigil ang games sa Ynares Sports Arena sa Pasig (dahil sa pangamba sa COVID-19 variant), tatlong pares na teams agad ang magsasalpukan sa pagbabalik ng All-Pinoy Cup.
Sisikapin ng TNT Tropang Giga na mapanatili ang imakuladang 3-0 kartada sa pagsagupa sa wala pang panalong Blackwater Elite (0-4) sa 12:30 ng tanghali.
Susundan ito ng salpukan ng umaangat na San Miguel Beermen (3-1) at hindi makabuwelong Terrafirma Dyip (0-4) sa ganap na alas-3 ng hapon.
Pilit namang poprotektahan ng Magnolia Hotshots (4-0) ang solong liderato laban sa ‘silent slayer’ Meralco Bolts (4-1) sa main game sa alas-6 ng gabi.
Nauna nang itinakda ng liga ang araw-araw na games simula Miyerkules hanggang Linggo.
Narito ang iskedyul ng mga laro hanggang Linggo.
Sa Huwebes ay maghaharap ang NLEX at Alaska sa ganap na alas-2 ng hapon, at Rain or Shine kontra Phoenix Super LPG sa 4:35 ng hapon.
Sa Biyernes ay magsasalpukan ang Magnolia at Blackwater sa 12:30 ng tanghali, susundan ng Barangay Ginebra at Terrafirma sa alas -3 ng hapon, at TNT at Meralco sa alas-6 ng gabi.
Sa Sabado ay magsasagupa ang Phoenix Super LPG at NLEX sa alas-2 ng hapon, kasunod ang tapatan ng Alaska Aces at San Miguel sa 4:35 ng hapon.
Isa pang triple-header ang aabangan ng PBA fans sa Linggo tampok ang games sa pagitan ng Terrafirma at Blackwater sa alas-2 ng hapon, Meralco at Barangay Ginebra sa 4:35 ng hapon, at main game ang Magnolia at TNT sa alas-7 ng gabi.
217 