WELCOME relief para sa Magnolia Hotshots ang isang buwang pagkabalam ng 2021 PBA Philippine Cup dahil nakapagpagaling sa injury ang kanilang star player na si Paul Lee.
Kaya tiniyak ni Magnolia head coach Chito Victolero na maglalaro si Lee sa game kontra Meralco ngayong alas-6 ng gabi sa DHVSU Gym sa Bacolor, Pampanga.
Si Lee, may averaged 16.0 points, 2.3 rebounds at dalawang assists sa apat na games ay nagkaroon ng strained right hamstring sa laban ng Hotshots at Terrafirma noong Agosto 1.
Nangunguna sa team standings ang Hotshots na wala pang talo (4-0), habang maganda rin ang nilalaro ng Bolts (4-1).
Samantala, malabo pang makapaglaro si Alex Cabagnot ng San Miguel Beermen kontra Terrafirma Dyip ngayong alas-3 ng hapon.
Si Cabagnot ay may torn meniscus sa kaliwang tuhod, bukod sa sprained MCL at LCL na natamo niya noong Hulyo 28 sa game ng Beermen kontra Blackwater Elite, ayon sa head coach nitong si Leo Austria.
Sa 23 minutong paglalaro sa tatlong quarters, ang nine-time champion ay nakapagtala ng 12 points, dalawang rebounds at assists, at isang steal bago ang kanyang injury.
“[Alex] started his strengthening exercises last week,” sabi ni SMB manager Gee Abanilla sa ulat ng ESPN.com. “He will be reassessed by Dr. Raul Canlas on September 13. [A return is] still possible, but it really depends on the assessment of Dr. Canlas.”
Ang Beermen ay kasalukuyang pang-apat (3-1) habang ang Dyip ay nasa ilalim (0-4) ng team standings.
217 