DUTERTE, GO SAPUL SA OVERPRICED DEALS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINDI isinasantabi ni Senador Richard Gordon ang posibilidad na madamay sa imbestigasyon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher ‘Bong’ Go sa kwestyonableng pagbili ng pamahalaan ng medical supplies kaugnay ng kasalukuyang pandemya.

Sa pagtatanong ng mga mamamahayag kay Gordon kung maaari bang umabot kay Pangulong Duterte ang imbestigasyon, sumagot ito ng “It already is there”.

Hindi aniya maaaring balewalain ang kaugnayan kay Pangulong Duterte ng mga personalidad na sangkot sa kontroberya – sina dating Budget undersecretary Lloyd Christopher Lao at dating presidential adviser Michael Yang.

Si Go naman ay sinasabing ‘tulay’ ni Lao kaya ito napasok sa gobyerno.

Sa isang pagdinig sa Kongreso, lumutang ang koneksyon ni Lao kay Go pero mariin itong itinanggi ng senador.

Nauna na ring kinuwestyon ng mga senador ang kwalipikasyon ni Lao bilang DBM undersecretary.

Sakali aniyang kailanganing imbestigahan ng Senado si Go, sinabi ni Gordon na Senate ethics committee ang hahawak nito.

Duterte panic mode – Lacson

Wala na sa katinuan at nasa panic mode na si Pangulong Duterte sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa multi-bilyong halaga ng overpriced medical supplies na binili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) noong nakaraang taon, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Binuweltahan din ni Lacson ang pagpuna ni Duterte sa kanyang hairstyle na hindi nito binabago sa simula’t simula na aniya ay tila nawawala na sa katinuan ng kaisipan.

“I haven’t changed the way I comb my hair, since long before he had lost his mind. But his insulting rebuke only shows that he and Sen. Bong Go are one and the same, for better or for worse, in sickness and in health. They even probably have a joint bank account,” ayon kay Lacson.

Iniimbestigahan ng Senado ang mahigit P67 bilyong halaga ng face mask, face shield at personal protective equipment na binili ng pamahalaan sa kumpanya ni Michael Yang, presidential adviser noong nakaraang taon.

Natuklasan ng Senado na walang address at umabot lamang sa P600,000 ang capital ng Pharmally Pharmaceutical Corp., na pag-aari umano ni Yang na nakakuha ng multi-bilyong halaga ng kontrata sa PS-DBM sa pagbili ng medical supplies na inaprubahan ni dating PS chief Lloyd Christopher Lao na tahimik na nagbitiw noong nakaraang Hunyo.

Sinabi rin ni Lacson na marami na siyang nakausap hinggil sa incoherence at walang saysay na ad libs ni Duterte sa kanyang porma na public address sa bansa kabilang ang State of the Nation Address (SONA).

“That said, it is not difficult to think that he is in panic mode and is attempting as he has already done earlier to discourage the Senate from pursuing our investigation in the highly anomalous procurement of overpriced medical supplies that is starting to knock on the doors of Malacañang,” ayon kay Lacson.

Hinamong sagutin ang mga akusasyon

Hinamon naman ni Senador Richard Gordon si Pangulong Duterte na payagang sagutin ng appointees nito ang akusasyong nagkaroon ng sobra-sobrang tongpats sa medical supplies ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa virtual press conference, sinabi ni Gordon na ngayon pa lang ay pinatatawad na nito si Duterte sa pagbatikos sa kanya dahil sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Commission on Audit (COA) report.

Ayon kay Gordon, nagtataka ito sa tunay na hangarin ng Duterte administration sa anti-corruption drive ng pamahalaan kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng COA at ng Senate Blue Ribbon Committee sa posibleng korapsyon na nangyari sa mga biniling medical supplies.

“Mr. President, I advise you as a friend if you still consider me your friend, pasagot ninyo sa mga bata ninyo ‘yung issue. Bakit ninyo tatawaging mataba ako? Alam ko pong mataba ako, para naman tayong nagpapagandahan na lalaki, palagay ko mananalo naman ako sa inyo pagka nagpagandahang lalaki tayo,” sagot ni Gordon.

Malaking pagkakamali aniya na pigilan ng pangulo ang Cabinet members na dumalo sa pagdinig ng Senado lalo na at kilalang magaling itong abogado.

Hindi padadaluhin

Sa kanyang taped national address, nagbanta si Pangulong Duterte na hindi niya papayagan ang mga miyembro ng kanyang gabinete na dumalo sa congressional probes dahil sa diumano’y “disrespectful treatment” ng mga senador.

“I will not allow any member of the Cabinet to go to Congress to testify kung ganun ang treatment,” ayon kay Pangulong Duterte.

Reaksyon ito ng pangulo matapos niyang kuwestiyunin ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa Senado hinggil sa P67-billion deficit spending ng DoH sa COVID-19 response funds, kabilang na ang pagbili ng pamahalaan ng umano’y overpriced na face mask at face shield.

Aniya, nagpalabas din siya ng kahalintulad na direktiba sa military officials.
“Kung sabihin i-contempt kayo, sige …in 24 hours, mag-isip ako paano kita kunin,” dagdag na pahayag ng pangulo.
Tinukoy ng Chief Executive ang kapangyarihan ng Kongreso na i-hold ang mga testigo o resource person “in contempt” at ikulong ang mga ito kapag tumanggi na sagutin nang tapat ang mga tanong mula sa mga miyembro ng Kongreso.
Kasabay nito, hinamon ni Pangulong Duterte ang mga senador na magpakulong ng kahit na sino na sangkot sa di umano’y iregularidad ng pamahalaan na bumili para sa kanilang COVID-19 response.
“Yung bidding, yung procurement na sabi ninyo mali todohin ninyo ang imbestigasyon at kung may kulong, ikulong ninyo. Hinahamon ko na kayo. ‘Pag wala kayong makulong dito wala kayo,” ayon kay Pangulo Duterte.
Aniya pa, ang emergency procurement ng iba’t ibang medical supplies ay sumusunod sa umiiral na batas at alituntunin.

Sinalo si Yang

Bukod dito, ipinagtanggol din ni Pangulong Duterte si dating economic adviser Michael Yang.

Sinabi ni Pangulong Duterte, si Yang, isang Davao-based Chinese businessman, ay madalas na kasama ni dating Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa mga pagpupulong.

Aniya pa, ipinakilala sa kanya si Yang ng isang kakilala sa China.

“Kaya bakit ako magduda, bakit ako magsabi na drug lord siya?” ani Pangulong Duterte sa kanyang taped national address.

“Kaibigan ako ang China, sasabihin sa akin ang totoo. Kaya hindi makakapasok ‘yang mga ‘yan kung sasabihin n’yo nagdodroga,” ayon kay Pangulong Duterte.

Taong 2019 nang sabihin ng Malakanyang na wala na si Yang bilang economic adviser, matapos itong iugnay ni dating police official Eduardo Acierto sa illegal drug trade.

Sa ngayon ay inuugnay si Yang sa local firm Pharmally Pharmaceutical Corp. na nakakuha ng P8.68 bilyong halaga ng kasunduan para sa pandemic response noong nakaraang taon. (ESTONG REYES/NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE)

249

Related posts

Leave a Comment