Drama ‘di na kinakagat – solon GO, DUQUE TABLADO SA PINOY

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI na mabenta sa mga Filipino ang drama ng mga kasalukuyang government official kapag nasusukol ang mga ito sa kanilang “kalokohan”.

Binanggit ito ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na bagama’t walang tinukoy na mga pangalan ay mistulang sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at Senator Bong Go ang pinatutungkulan.

“Yung isa winarak, yung isa binugbog naman daw, ngayon naman binu-bully daw! Estilo na talaga nitong mga ‘to ang mag-drama kapag nasusukol sa kanilang kalokohan. Iiyak-iyak, magpapaawa, maghuhugas-kamay!,” ani Gaite.

Magugunita na naging emosyunal si Duque sa pagdinig ng Kamara hinggil sa report ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng P67.3 billion pondo para sa COVID-19 na kuwestiyonable umano ang paggamit. Dito sinabi ng kalihim na winarat ng mga mambabatas ang komisyon.

Inakusahan naman ni Go si Senate Blue Ribbon committee chairman Richard Gordon ng pambu-bully dahil sa imbestigasyon hinggil sa overpriced na medical supplies ng isa pang Davao Boy na si dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) chief Lloyd Christopher Lao.

Tulad ni Duque, naging emosyunal si Go sa kanyang privilege speech noong Martes sa Senado at may pagkakataon na tila pinipigilan nito ang pag-iyak habang idinedepensa ang sarili at maging si Pangulong Rodrigo Duterte.

May itinatago

Naniniwala rin si Gaite na may itinatago si Pangulong Duterte dahil sa kanyang mga ikinikilos mula sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) hanggang sa imbestigasyon ng Senado sa biniling umano’y overpriced medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation kung saan ang isa sa mga may-ari ay ang kanyang dating economic adviser na si Michael Yang.

“Ayaw sa COA audit reports. Ayaw sa imbestigasyon ng Senado. Ayaw maglabas ng SALN. Nagsabi rin noon na ibubukas sa publiko ang laman ng kanyang bank account, pero umatras nang siya’y manalo. Mukhang may itinatago talaga eh,” ayon pa sa mambabatas.

“Hindi niyo maloloko ang taumbayan,” dagdag pa nito.

195

Related posts

Leave a Comment