PNP Bicol, AFP wagi vs insurhensya 2 PATAY, 2 SUMUKO

MULING nagkamit ng tagumpay ang mas pinaigting at patuloy na operasyon ng pulisya at militar laban sa banta ng insurhensya at iba pang kriminalidad sa rehiyon.

Ayon kay PNP-Police Regional Office 5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, dalawang miyembro ng New People’s Army ang napatay makaraan ang engkwentro ng rebeldeng grupo at pinagsanib na puwersa ng mga pulis at Philippine Army noong Huwebes sa boundary ng Barangay Patag at Cawayan, Irosin, Sorsogon.

Ito ay bunsod ng operasyong ikinasa ng PNP Bicol partikular ang Sorsogon Police Provincial Office, kasama ang Philippine Army 22nd Infantry Battalion, 903rd Infantry Brigade hinggil sa iniulat na hayagang presensya ng komunistang grupo na nagdudulot nang matinding takot at pangamba ng mga residente

Sa nasabing insidente, 40 miyembro ng NPA ang nakasagupa ng mga operatiba sa 30 minutong palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang rebelde at dalawa ang sumuko sa mga awtoridad.

Isa sa mga umatras sa laban at ibinaba ang kanilang armas ay ang tinaguriang lider ng Platoon 1, Larangan 2, Komite ng Probinsya 3 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) sa ilalim ng Cennon/Tikong Kumand.

Kasabay rin nito ang pagkakarekober sa pinangyarihan ng insidente sa anim na M16 rifle, tatlong anti-personnel mines; at iba pang mga personal na gamit.

Wala namang naitalang nasugatan o nasaktan sa panig ng gobyerno.

Samantala, ang mga iba pang mga rebelde ay tumakbo sa kabundukan ng Brgy. Salvacion, Bulusan, Sorsogon.

“Ang matagumpay na operasyon na ito ay bunga ng mas pinalakas na ugnayan ng komunidad at pamahalaan. Ito rin ay isang pananalamin na maging ang miyembro ng pamayanan ay matindi rin ang pagnanais na iwaksi at tapusin na ang karahasang dulot ng rebeldeng grupo. Ang suporta at kooperasyon ng ating mga kababayan ang siyang ating nagiging inspirasyon upang ipagpatuloy ang aming mga nasimulan, kasama ang Philippine Army, upang gawing mas ligtas ang rehiyong Bicol laban sa ano mang uri ng kriminalidad,” ayon kay P/BGen. Estomo, RD, PRO5.

Samantala, binigyang diin ni Lt. Col. Aldwine Almase, commander ng 903rd Infantry Brigade, ang pagsuko ng isa sa batikang mga lider ng grupo ay isang pagpapatotoo sa pagkamulat nito mula sa baluktot na ipinaglalaban ng makakaliwang samahan.

Hinimok naman ni MGen. Henry A. Robinson Jr., PA, commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia, ang iba pang mga kasapi ng teroristang grupo na matiwasay at maayos na magbalik-loob sa gobyerno at magsimula muli ng bagong yugto ng kanilang buhay na malayo sa karahasan at madugong pakikipaglaban.

Ang PNP at AFP ay mananatiling nagkakaisa sa iisa nitong hangarin para sa rehiyon. Patuloy rin nitong palalakasin ang pundasyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang mapabilis ang pagresolba sa problemang panseguridad. (JESSE KABEL)

149

Related posts

Leave a Comment